Just In

Calendar

July 2026
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Barbers1

Defense team hinaharang ebidensya ng prosecution–Barbers

Mar Rodriguez Jul 10, 2026
31 Views

SINISIKAP  ng defense team ni Vice President Sara Z. Duterte na harangin at tutulan ang mga ebidensiyang inilalatag ng House prosecution panel sa Senate impeachment court, ayon kay prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers.

Pagbibigay diin ni Barbers na nagtatangka ang depensa na tututulan ang mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon kung wala itong direktang maipangsagot sa mga ito, ngunit iginiit ng dating kongresista na dapat pa rin bigyan ng pagkakataon ang impeachment court na makita at masuri ang mga ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo.

“Well, ako, personal opinion, kapag may ebidensya kasi, dapat iharap mo. Kung walang ebidensya, i-object mo,” wika ni Barbers.

Bahagi ng estratehiya sa paglilitis ang paghahain ng mga pagtutol, ngunit ang paulit-ulit na pagsisikap na hadlangan ang mga ebidensya ay hindi maaaring ipalit sa isang makabuluhang sagot sa mga alegasyon, ayon sa ex-congressman.

Naghain ng mga pagtutol ang depensa sa ikalawang araw ng Senate impeachment trial habang inihaharap ng prosekusyon ang mga video evidence at testimonya kaugnay ng Article 4 na tumatalakay sa umano’y mga banta ni VP Duterte.

Ipinaliwanag ng testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kung paano siya inatasang idokumento ang mga pahayag na iniuugnay kay VP Duterte dahil itinuring ng ilang ahensya ng pamahalaan ang mga ito bilang banta sa pambansang seguridad.

“Nakita niya ito, inutusan siya ng kanyang opisina na i-document itong mga statements uttered by the Vice President dahil naniniwala ang maraming ahensya ng ating gobyerno na ito ay isang national threat,” ani Barbers.

Binigyang diin ni Barbers na dapat seryosohin ang usapin ng mga banta dahil ang mga ito ay nakatuon sa Pangulo at may kaugnayan sa pambansang seguridad.

“At ito ay hindi lamang national threat kundi banta doon sa ating Pangulo. Any attempt to threaten the national security as well as our President must be taken seriously by the agencies,” dagdag niya.