Tongol

Senado may nakahandang holding room para kay VP Sara

29 Views

LAGING may nakahandang holding room ang Senado para kay Vice President Sara Duterte sakaling dumalo siya sa kanyang impeachment trial, ayon kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol.

Sinabi ni Tongol na inaasahan ng Senado ang posibleng pagdalo ni Duterte sa bawat araw ng paglilitis dahil karapatan niyang dumalo bilang respondent.

“Araw-araw naman iniexpect ng Senado ang kanyang pagpunta. Dahil na rin karapatan niya yun bilang respondent doon sa impeachment trial,” ani Tongol sa isang press briefing.

Aniya, inihanda ng Office of the Senate Secretary ang silid bilang pagkilala sa katungkulan at posisyon ni Duterte sa pamahalaan.

“At kaya naman yung Senado, through the Office of the Senate Secretary, naghanda yan ng holding room talaga sa Bise Presidente to respect the office that she holds as well and the stature that she has in our system of government,” aniya.

Sinabi ni Tongol na mananatiling nakahanda ang silid dumalo man o hindi ang Bise Presidente.

“So kaya laging nakahanda naman yung holding room para sa kanya whether magpakita talaga siya o hindi, hindi na namin i-expect yun na hindi siya magpapakita. Basta ang expectation, magpapakita siya. So laging handa po ang Senado sa darating na pagkakataong ganun,” aniya.

Nang tanungin kung saan pauupuin si Duterte sakaling dumalo, sinabi ni Tongol na sa palagay niya ay ilalagay siya sa VIP gallery.

“I think doon po sa VIP gallery siya,” aniya.

“Kasi po, VIP siya,” dagdag niya.

Tumanggi si Tongol na magbigay ng haka-haka kung dadalo si Duterte sa ikalawang linggo ng paglilitis, kung kailan nakatakdang tumestigo si Office of the Vice President Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez.

Magpapatuloy ang impeachment trial sa Lunes, Hulyo 13. Nakatakdang tumestigo si Lopez sa Martes, Hulyo 14.