Calendar
Khonghun: ‘Nasa video ang banta, nasa rekord ang findings ng NBI’
NANANATILING malinaw na nakarekord sa video ang umano’y mga banta, at nananatili ring bahagi ng rekord ng paglilitis ang mga natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI), sa kabila ng matagal na pagtutok ng depensa sa mga pagkakamaling administratibo o clerical sa mga sumusuportang dokumento.
Binigyang-diin ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales na maaaring kuwestiyunin ng kampo ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte ang bawat pagkakamaling makita nito sa mga dokumento, ngunit hindi nito awtomatikong nabubura ang mga ebidensyang naiprisinta na sa paglilitis.
“Nasa video ang banta at nasa rekord na ang findings ng NBI. Maaaring kuwestiyunin ang mga dokumento, pero kailangan pa ring sagutin ng depensa ni VP Duterte ang ebidensya,” diin ni Khonghun.
Nagpatotoo si dating pinuno ng NBI Cybercrime Division na si Atty. Jeremy Lotoc na nakakita ang ahensya ng prima facie na ebidensya na may makatwirang posibilidad ng hatol na pagkakasala bilang batayan sa pagrerekomenda ng tatlong bilang ng grave threats at isang bilang ng inciting to sedition laban kay Duterte.
Matapos ang isang masusing cross-examination, nananatiling bahagi ng ebidensya ang mga video, ang testimonya ng saksi, at ang mga natuklasan ng NBI na kinakailangang harapin batay sa kanilang nilalaman.
“Itama ang typo, pero huwag babalewalain ang isyu. Hindi nabubura ng maling entries sa dokumento ang mga sinabi sa video, ang testimonya at ang findings na ipinaliwanag under oath,” pahayag ni Khonghun.
Ayon sa kanya, nararapat lamang na itama at ipaliwanag ang mga clerical error, ngunit ang pagkakaroon ng mga ito ay hindi awtomatikong nagpapatunay na mali o huwad ang isinagawang imbestigasyon, ang mga video recording, o ang mga konklusyong ibinatay rito.
“Pero kung walang naipakitang ebidensya na mali ang laman ng video o ang findings ng NBI, nananatili ang mga iyon sa rekord,” paliwanag niya.
Iginiit din ni Khonghun na mahalagang maunawaan ng publiko ang pagkakaiba ng pagtukoy sa mga pagkakamali sa paghahanda ng dokumento at ng paghaharap ng ebidensyang tuwirang sumasalungat sa testimonya ng saksi.
“Typo ang pinagtatalunan, pero ang banta ang pangunahing isyu. Hindi puwedeng matabunan ng usapin sa encoding ang mga salitang mismong narinig at napanood ng publiko,” dagdag niya.
Binigyang-diin pa ng lider ng Kamara mula sa Zambales na ang halaga ng isang mahabang cross-examination ay dapat masukat kung tunay nitong napahina ang mga ebidensya, at hindi batay lamang sa dami ng mga clerical error na naungkat sa pagtatanong.
“Matapos ang mahabang cross-examination, naroon pa rin ang mga video at naroon pa rin ang NBI findings. The defense has questioned the paperwork, but it has yet to make the evidence disappear,” diin ni Khonghun.

