Matibag

Ortega: Asahan mga “pasabog” sa testimonya ni Matibag kaugnay ng Article IV

32 Views

INAASAHANG magbibigay ang huling saksi ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa Article IV ng mahahalagang impormasyon na maaaring makumpleto ang salaysay ng prosekusyon tungkol sa umano’y mga pagbabanta ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte at makasagot sa mga hindi pa nalilinawang usapin kaugnay ng patuloy na imbestigasyon ng NBI.

Sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na si NBI Director Melvin Matibag ang nasa natatanging posisyon upang maipaliwanag ang mga rekord at impormasyon na hindi lubos na natalakay ng mga naunang saksi.

“I’m sure nag-e-expect kayo ng fireworks this week. There will be fireworks,” ani Ortega sa isang press conference sa House of Representatives.

Bilang pinuno ng NBI, may access si Matibag sa kabuuang rekord ng imbestigasyon, kabilang ang mga dokumento at impormasyon na hawak ng iba’t ibang dibisyon ng ahensya matapos makumpleto ng NBI Cybercrime Division ang bahagi nito sa imbestigasyon.

“Being the head of the bureau, he has the access to all of the records, sa lahat ng pagkakataon, kumbaga he has keys to the castle,” paliwanag ni Ortega.

Inaasahang magbibigay ng testimonya si Matibag hinggil sa imbestigasyon ng NBI sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na may kaugnayan kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kabilang ang mga natuklasan at mga reklamong kriminal na isinampa kaugnay ng insidente.

Nagbabala si Ortega na maaaring manatiling kumpidensyal ang ilang impormasyon tungkol sa umano’y assassin at iba pang mga lead sa imbestigasyon, o nangangailangan pa ng karagdagang beripikasyon bago maisapubliko.

“Parang iyong lead sa so-called assassin, siyempre classified iyong iba diyan. At hindi rin nila puwedeng bitawan o basta-basta sabihin kung hindi rin po solid iyong lead nila at hindi nila nahahanap or under investigation pa,” aniya.

Kinilala rin ng lider ng Kamara na maaaring maharap si Matibag sa masusing pagtatanong dahil sa mga naging alitan kamakailan na kinasasangkutan ng ilang senator-judges. Gayunman, sinabi niyang hindi nito mababago ang paghahanda ng prosekusyon at ang kahalagahan ng testimonya ng direktor ng NBI.

“Wala namang magbabago sa preparasyon ng prosecutors. Pero ako, sinabi ko naman kung ano iyong nakita ko noong nandoon ako noong hearing, makikita natin may kaunting friction talaga dahil nga po sa past month na mga nangyaring events,” ani Ortega.

Gayunpaman, nagpahayag siya ng tiwala na pagbabatayan ng mga senator-judge ang mga ebidensiyang ihaharap ni Matibag at hindi ang mga isyung pulitikal sa labas ng impeachment trial.

“Pero sana mapag-usapan nila iyan at makita ng Impeachment Court iyong halaga kasi sa prosecution side, sobrang importante po iyong pag-upo bilang witness ni Director Matibag,” dagdag niya.

Tinanggihan din ni Ortega ang mga pagtatangkang kuwestiyunin ang kredibilidad ni Matibag batay sa kanyang dating kaugnayan sa pulitika. Inilarawan niya ang NBI Director bilang isang tapat at prangkang opisyal na sumasagot sa mga tanong nang walang pagpapaganda o pagdaragdag sa mga detalye.

“Siguro iyong kaunting oras na nakilala ko siya, nakasalamuha ko siya, very upfront naman siya. Hindi siya iyong tipong parang walang drama,” paliwanag ni Ortega.

“Kung mayroon mang pinaka-credible at saka siguro naghahanap ang mga kaibigan natin sa media at mga taong bayan ng pasabog, or mabigat na statement coming from here, siguro magandang gamitin natin is informative kasi mas privy sila sa mga impormasyon na hindi natin kayang sagutin o hindi natin alam,” dagdag pa niya.