Dean Asistio

Caloocan solon sang-ayon sa TDC

Mar Rodriguez Jul 16, 2026
32 Views

SINASANGAYUNAN ni Caloocan City Rep. Dean Asistio ang pahayag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na dapat ipatupad ang batas-trapiko ng may propesyonalismo, patas na pagtrato, makatao, may pagrespeto sa dignidad ng sinomang motorista, paggalang sa karapatang pantao at due process.

Kugnay sa panibagong kontrobersiya na kinasasangkutan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operation Group Chief Gabriel Go matapos ang di-umano’y kawalang respeto nito at pamamahiya sa isang public school teacher na sinita niya dahil hindi nakasuot ng helmet habang sakay ng motor.

Naging viral sa social media ang ginawa ni Go kung kaya’t lalo pang nabilad sa matinding kahihiyan ang naturang guro na ikinadismaya naman ng mga kasapi ng TDC.

Ipinaliwanag ni Asistio na bagama’t aminado ang hindi na pinangalanang public school teacher na nakagawa ng paglabag sa batas-trapiko binigyang diin ng kongresista na kinakailangan pa rin na isa-alang-alang ang karapatang pantao ng mga nasisitang motorista.

Iginigiit ni Asistio na may katungkulan man o wala ang nasitang motorista. Napakahalaga na maging patas ang pagtingin dito ng MMDA dahil sinasabing pagiging “double standard” umano ng MMDA sa pagsita sa mga motorista.

“Ang dapat eh’ may kaunting respeto pa rin. May posisyon man yung motorista o wala, ang mahalaga ay hindi double standard. Kasi ang sinasabi eh’ kapag medyo bigatin yung naghuhuli, may respeto. Pero kapag small time lang o ordinaryong tao. Medyo brusko daw ang pagsita ng MMDA, ang dapat ay maging patas sa lahat,” ani Asistio.

Ayon kay TDC Chairperson Benjo Basas, ikinagalak nila ang naging agarang aksiyon ng pamunuan ng MMDA bilang tugon sa mga panawagan ng publiko at ng kanilang organisasyon.

Binigyang diin ng TDC na dapat maging maingat ang mga nagpapatupad ng batas sa pagrespeto sa karapatan at dignidad ng bawat mamamayan.