Victim

Stroke victim inutas, suspek nakatakas

Edd Reyes Jul 19, 2026
101 Views

PATAY ang 47-anyos na lalaking stroke victim nang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa Malabon City.

Dedo ang biktima sanhi ng tama ng bala sa ulo habang mabilis na tumakas ang salarin patungo sa hindi nabatid na lugar matapos ang pamamaslang.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi noong Huwebes sa isang eskinita sa Block 13, Brgy. Longos.

Bago ang insidente, nakita pa ang baldadong biktima na panay ang text sa kanyang cellphone habang mabagal at pabalik-balik na naglalakad na tila may hinihintay.

Ilang sandali lang ay narinig na ang putok ng baril at doon nakita ang biktima na nakabulagta sa eskinita na may tama ng bala sa ulo. Wala na rin ang hawak niyang cellular phone na hinihinalang tinangay ng salarin.

Nasangkot na umano ang biktima sa mga kaso ng pagnanakaw at ilegal na droga at kalalaya lang sa piitan nang mangyari ang pamamaslang.