Risa

Pagbayad sa pass-through charges sa kuryente kinuwestyon ni Hontiveros

103 Views

KINUWESTYON ni Senadora Risa Hontiveros kung bakit kailangang bayaran muna ng mga konsyumer ang pass-through charges sa kuryente bago lubusang suriin ng Energy Regulatory Commission kung tama at makatwiran ang mga singil.

“Bakit nga ba hindi puwedeng suriin ng ERC ang mga pass through charges bago ipasa sa konsyumer? Baligtad kasi ang sistema natin: pinagbabayad muna ang taumbayan bago lubusang masuri kung tama at makatwiran ang singil,” sinabi ni Hontiveros.

Hiniling niya ang pagsusuri sa automatic pass-through mechanism ng ERC kasunod ng pagtaas ng generation at transmission charges.

Ang pass-through charges ay mga gastusin sa serbisyo ng kuryente na sinisingil ng distribution utilities sa mga konsyumer at ipinapasa sa mga kompanyang nagbigay ng kaukulang serbisyo. Kabilang dito ang generation, transmission at system-loss charges.

Ang generation charge ay bayad sa paggawa o pagbili ng kuryente. Ang transmission charge ay para sa pagpapadaloy ng kuryente sa pambansang grid. Ang system-loss charge naman ay sumasaklaw sa pinahihintulutang gastos sa kuryenteng nawawala habang dumaraan sa transmission at distribution lines.

Iminungkahi ni Hontiveros na suriin muna ang mga singil bago kolektahin.

“Review first, collect later. Kailangang patunayan at ipaliwanag muna ang bawat sentimong sisingilin bago ito ipasa sa konsyumer. Dapat ganyan ang polisiya natin,” aniya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9136, o Electric Power Industry Reform Act, maaaring mabawi sa mga singil ang generation, transmission, distribution at iba pang pinahihintulutang gastos sa kuryente, alinsunod sa regulasyon ng ERC.

Pinahihintulutan ng umiiral na mga patakaran na kolektahin ng distribution utilities ang ilang pagbabago sa pass-through charges, kabilang ang generation costs na naaapektuhan ng presyo ng fuel, at ipasa ang bayad sa power suppliers.

Inaatasan ng Section 23 ng EPIRA ang distribution utilities na magbigay ng kuryente sa kanilang captive customers sa pinakamababang posibleng halaga. Ang captive customers ay mga konsyumer na sineserbisyuhan ng distribution utility sa kanilang lugar at hindi malayang makapipili ng ibang supplier.

Sinabi ni Hontiveros na humigit-kumulang 77 porsiyento ng residential electricity rate ang binubuo ng generation, transmission at system-loss charges.

Iginiit niya na maaaring mabawasan ang insentibo ng mga kompanya na makipagnegosasyon para sa mas murang kuryente kung awtomatiko nilang mababawi sa mga konsyumer ang mas mataas na gastos.

“Ito ang resulta ng automatic pass-through: walang insentibo ang mga kumpanyang humanap ng pinakamurang pagkukunan ng kuryente. When power companies know that consumers will ultimately shoulder every increase, they have less incentive to negotiate harder and secure electricity at the lowest possible cost,” sinabi niya.

Batay sa mga halagang binanggit ni Hontiveros, nag-anunsiyo ang National Grid Corporation of the Philippines ng ₱0.77 kada kilowatt-hour na pagtaas sa transmission rate matapos iulat ng Meralco ang ₱0.34 kada kWh na dagdag sa generation charge nito.

Aabot sa ₱1.11 kada kWh ang pinagsamang adjustment. Katumbas ito ng humigit-kumulang ₱222 na dagdag sa buwanang bayarin ng isang sambahayang kumokonsumo ng 200 kWh.

Inihambing ni Hontiveros ang halaga sa ₱60 arawang dagdag-sahod na nakatakdang ipatupad para sa mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod sa National Capital Region sa Hulyo 25.

“Bago pa maramdaman ng manggagawa ang dagdag-sahod, kinakain na agad ito ng dagdag-singil sa kuryente. Ang ₱222 ay katumbas na rin ng apat hanggang limang kilong bigas. Imbes na mapunta sa pagkain, pamasahe, o gamot ang dagdag-kita, mauubos lamang ito sa mas mataas na electric bill,” sinabi niya.

Nauna nang naghain si Hontiveros ng Proposed Senate Resolution No. 509 na humihiling ng imbestigasyon sa mga patakaran ng ERC sa kinukuwestiyong electricity bills at pagtaas ng singil.

Layunin ng resolusyon na suriin ang posibleng mga pagbabago sa EPIRA at mga kaugnay na regulasyon.

“Ang hinihingi natin ay simpleng proteksyon: suriin muna bago singilin. Hindi dapat mauna ang dagdag-singil at mapilitang magbayad ang konsyumer at maghintay na lamang kung magkakaroon man ng adjustment o refund,” sinabi ni Hontiveros.