Lacson

Lacson kusang isinapubliko kita, buwis

78 Views

KUSANG isinapubliko ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang kanyang kinita at mga buwis na ibinayad sa Bureau of Internal Revenue upang ipaliwanag ang mahigit apat na ulit na paglaki ng kanyang net worth habang wala siya sa gobyerno.

“Ibinukgar ko lahat ng kinita ko, pati binayaran ko sa BIR. Wala akong insertion. Patas at legal na kinita ko ito kaya kusa ko itong nilabas,” sinabi ni Lacson sa panayam sa True FM.

Ayon kay Lacson, nagmula ang malaking bahagi ng pagtaas ng kanyang yaman sa real-estate at trading ventures na pinasok niya kasama ang dalawang business partners matapos siyang umalis sa Senado noong 2022.

“Nag-quadruple ang kinita ko dahil nag-real estate ako,” aniya.

Batay sa mga halagang nauna niyang inilabas, umakyat ang kanyang net worth mula P58,771,409.62 noong Hunyo 30, 2022 tungo sa P244,940,509.60 nang bumalik siya sa Senado noong Hunyo 30, 2025.

Katumbas ito ng pagtaas na humigit-kumulang P186.17 milyon sa loob ng tatlong taon.

Ipinaliwanag ni Lacson na nag-broker at nakipagtransaksyon siya sa mga ari-arian habang pribadong mamamayan. Sinabi niyang lehitimong negosyo, at hindi budget insertion, ang pinagmulan ng kanyang kinita.

Nauna na rin niyang inilarawan ang mga ito bilang “legitimate and successful real estate/trading business activities” na ginawa niya kasama ang dalawang kasosyo habang wala siya sa pampublikong puwesto.

Bilang suporta sa kanyang paliwanag, inilabas din ni Lacson ang mga halagang binayaran niya sa buwis.

Ayon sa kanya, nagbayad siya ng P4,817,265 na income tax para sa taxable year 2021. Umabot naman sa P11,834,033.37 ang kanyang income-tax payment para sa taxable year 2024.

Sinabi niyang makikita sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at income-tax records ang pagtaas ng kanyang yaman at ang mga buwis na kanyang idineklara at binayaran.

Ginawa ni Lacson ang paglilinaw matapos kuwestiyunin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang malaking pagtaas ng kanyang net worth sa gitna ng kanilang pagtatalo kaugnay ng budget insertions at mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Iginiit ni Lacson na hindi dapat paghaluin ang kinita mula sa pribadong negosyo at ang pondong idinaragdag sa pambansang badyet.

“Wala akong insertion,” ulit niya.

Sa halip na umiwas sa usapin, sinabi ni Lacson na kusa niyang inilabas ang kanyang kita at tax payments upang direktang sagutin ang mga tanong tungkol sa paglaki ng kanyang yaman.