Subpoena para sa records sa pera ni VP Sara handa na

99 Views

HANDA na ang mga subpoena para sa Bureau of Internal Revenue, Anti-Money Laundering Council at mga bangko upang makuha ang financial records na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte, ayon sa Senate impeachment court.

Sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na inaasahang ipapadala sa mga ahensya at bangko ang mga subpoena sa susunod na araw dahil natapos nang hapon ang proceedings.

“Pero gawa na po yung subpoena,” ani Tongol.

Maaari umanong isumite ang hinihinging records bago ang July 30, 9 a.m. deadline.

Nauna nang nag-comply ang Landbank of the Philippines sa isang subpoena sa pamamagitan ng pagsusumite ng certified copies ng digital o electronic records ng ilang tsek na sakop ng utos ng korte.

Natanggap ng impeachment court ang compliance ng Landbank noong July 20, 1:05 p.m.

Hindi tinukoy sa briefing ang account holders, halaga at eksaktong transaksyong sakop ng mga tsek.

Daraan muna sa in-camera o pribadong pagsusuri ng presiding officer ang mga dokumento mula sa AMLC.

Ipinaliwanag ni Tongol na aalamin kung ang paglalabas ng reports ay magbubunyag ng confidential investigative methods o makasasagabal sa iba pang imbestigasyon.

Kung walang sensitibong methodology na malalantad, maaaring ibigay ang records sa mga partido.

Kung may sensitibong impormasyon, maaaring magpasya ang presiding officer kung aling bahagi ang maaaring ilabas, i-redact o ipakita sa ibang paraan.

Kasama sa subpoena ruling ang financial records mula 2007 hanggang 2024.

Ayon kay Tongol, kailangan ang pre-term records upang magkaroon ang impeachment court ng factual at mathematical baseline sa paghahambing ng yaman bago at habang nasa termino ang impeachable officer.

“So kailangan may baseline po,” aniya.

Hindi nangangahulugan ang pagkuha ng lumang records na napatunayan nang may unexplained wealth, tax violation o ilegal na transaksyon.

Nakatanggap din ang impeachment court ng mga kahilingan na mag-subpoena ng mga kinatawan ng Commission on Audit.

Hindi pa sinabi kung sino ang humiling, sinong COA representatives ang nais ipatawag at anong records o audit matters ang kanilang tatalakayin.

Kasunod ng ruling, naghain ng magkakahiwalay na manifestations sina Senators Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Imee Marcos, Loren Legarda at Camille Villar.

Kailangan pa umanong kumpirmahin ni Tongol kung naghain din si Senator Bong Go.

Hindi pa nababasa ni Tongol ang mga manifestation kaya hindi pa malinaw kung pare-pareho silang tumututol sa ruling.

Sinabi rin niyang walang malinaw na probisyon sa impeachment rules para sa motion for reconsideration ng mga partido.

Maaari umanong tingnan ng defense ang Rule 21 at iba pang probisyon ng Rules of Court para sa posibleng susunod na remedy, ngunit tumanggi si Tongol na pangunahan ang magiging hakbang nito.

Ang mga subpoena ay nag-uutos lamang sa mga ahensya at bangko na magsumite ng records.

Hindi pa ito pasya ng impeachment court na may nilabag na batas o may ilegal na yaman si Duterte.