Matibag1 NBI Director Melvin Matibag Kuha ni JOSEPH MUEGO

NBI posibleng magsampa ng kasong grave threat,inciting to sedition vs Baste dahil sa pahayag sa “ulo” – Matibag

139 Views

POSIBLENG magsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga kasong grave threat at inciting to sedition laban kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Ito ang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag noong Miyerkules bilang tugon sa mga tanong ni Senator-judge Panfilo Lacson, na nagsabing kapwa nagbitiw ng magkatulad na mga banta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sina Bise Presidente Sara Z. Duterte at ang kanyang kapatid na si Mayor Duterte.

Tinutukoy ni Lacson ang magkahiwalay na pahayag ng magkapatid na Duterte na nagsasabing gusto nila ang ulo ng Pangulo.

“Isang ulo lang ang gusto namin, ‘yung ulo ni Bongbong Marcos,” sinabi ni Mayor Duterte sa isang rally sa Cebu noong Mayo.

Samantala, sinabi naman ng Bise Presidente sa isang press conference noong Oktubre 2024 na gusto niyang pugutan ng ulo ang Pangulo.

Makalipas ang isang buwan, sa isa pang online press conference, nagbanta siyang ipapapatay ang Pangulo, si First Lady Liza Araneta-Marcos, at noon ay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.

Iginiit pa niya na nakipag-usap na siya sa isang tao upang patayin ang tatlo at pumayag umano ito.

Dahil sa mga naturang pahayag, nagsampa na ang NBI ng mga kasong grave threat at inciting to sedition laban sa Bise Presidente sa Department of Justice (DOJ).

Tinanong ni Lacson si Matibag kung bakit inimbestigahan ng NBI ang Bise Presidente ngunit hindi pa ang kanyang kapatid na alkalde.

Ipinaliwanag ni Matibag na kabilang ang pahayag ni Mayor Duterte sa mas malawak na imbestigasyong isinasagawa ng special task force na kanyang binuo noong Abril upang siyasatin ang patuloy at aktibong mga banta laban kay Pangulong Marcos.

“‘Yung ginagawa naming imbestigasyon ay ito na po ‘yung threat na sinasabi naming pangmalawakan. Dito po kay Mayor Baste, kaya ‘di po namin inimbestigahan ay sinasama na po namin sa task force na ito… kasama po dito sa special task force,” ani Matibag.

Gayunman, sinabi niyang maaari ring humarap sa mga kasong grave threat at inciting to sedition ang alkalde ng Davao City.

“Eventually, we have an agreement within us na if we can establish that the elements for grave threat will be there, we are contemplating on filing a grave threat and inciting to sedition as well,” aniya.

Ipinaalam din niya kay Lacson na iniimbestigahan ng kanyang tanggapan ang posibilidad na may sabwatan upang isakatuparan ang mga banta laban sa Pangulo, na ayon sa kanya ay nangangailangan ng mas mahabang panahon upang mapatunayan.

“Sapagkat ang isang dine-develop po namin dito na theory ay ‘yung sabwatan. At alam po natin na if we go to court using the theory of conspiracy, medyo mas mahirap po na ipasok na kaso, kaya it’s taking much time to develop the case,” paliwanag ni Matibag.

Nang tanungin ni Lacson kung ano ang naging dahilan ng pagbuo ng special task force ng NBI—kung ang pahayag ba ni Mayor Duterte tungkol sa “ulo” ng Pangulo o ang magkahiwalay na mga pahayag ng Bise Presidente—sinabi ni Matibag na ang naging trigger point ay ang pahayag ni Mayor Duterte.

“Trigger point ay ‘yung kay Mayor Baste. But prior to that, we are continually monitoring the threat, kasama po sa aming pag-uusap ‘yan. In fact, ‘yun pong aming reporting… as early as nung nag-assume ako nung February,” ani Matibag.