Ex-SolGen Hilbay: Leni dapat tumakbo sa 2028

33 Views

Hinimok ni dating Solicitor General Florin Hilbay si Naga City Mayor Leni Robredo na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 sa kabila ng aniya’y napakahirap na kalagayan ng bansa.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Hilbay na maraming dahilan kung bakit “walang saysay” para sa alkalde ng Naga na sumabak sa presidential race, kabilang ang lumolobong utang ng bansa, tensyon sa West Philippine Sea, pakikitungo sa Kongreso, paglaki ng burukrasya, at ang hirap ng mismong kampanya.

Ayon sa kanya, mas madali sanang manatili si Robredo bilang alkalde ng Naga kung saan maipagpapatuloy nito ang aniya’y maayos na pamamahala.

“No, it doesn’t make any sense at all for the Mayor of Naga to run for President in 2028,” ani Hilbay.

Gayunman, sinabi niyang dapat pa ring tumakbo si Robredo para sa kapakanan ng bansa.

“BUT SHE SHOULD. Not for herself, but for the sake of a nation so thirsty for good governance. We’ve lost our way for an entire decade already, and it’s time to course correct,” dagdag niya.

Nilinaw rin ni Hilbay na wala siyang naging pag-uusap kay Robredo mula pa noong 2019 at wala rin siyang impluwensiya upang hikayatin itong tumakbo.

“I haven’t talked to her since 2019, and obviously don’t have any power to convince; and I’m not even trying,” aniya.

Hindi pa nag-aanunsiyo si Robredo ng anumang plano kaugnay sa posibleng pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.