Calendar
Aquino bill, ₱480,000 income tax exemption para sa mga manggagawa
ISINUSULONG ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagtataas mula ₱250,000 hanggang ₱480,000 sa taunang kita na hindi papatawan ng income tax upang lumaki ang take-home pay ng mga manggagawa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 267, hindi papatawan ng income tax ang mga indibidwal na kumikita ng hanggang ₱480,000 kada taon.
Inihain ni Aquino ang panukala noong Hulyo 8, 2025. Sinabi niyang halos isang taon na itong nakabinbin at hiniling na isama ito sa mga prayoridad na panukala sa pagbubukas ng sesyon.
“Napapanahon na upang isabatas ito sa harap ng napakaraming pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Napag-iwanan na ang suweldo ng ating manggagawa sa mga pagtaas na ito at nabawasan na rin ang kanilang purchasing power,” sinabi ni Aquino.
Ang kasalukuyang ₱250,000 threshold ay itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 10963, o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Ayon kay Aquino, mas malaking bahagi ng sahod ang maiuuwi ng mga manggagawa kapag itinaas ang threshold. Magagamit nila ito sa pagkain, edukasyon, kalusugan at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Inihain din niya ang Senate Bill No. 266, na mag-aalis ng value-added tax sa bentahan ng kuryente ng generation, transmission at distribution companies at electric cooperatives.
Sa Senate Bill No. 2047 naman, nais ni Aquino na ibaba mula 12 porsiyento hanggang 10 porsiyento ang VAT sa mga bilihin at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo.

