Calendar
300 gramo ng shabu nasamsam sa 2 pinaghihinalaang tulak

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas City — Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinakaharap ng 58-anyos na si alyas Sarah at kasamang si Regie, 26, matapos madakip dahil sa ilegal na droga sa Brgy. Balagtas ng siyudad na ito noong Biyernes.
Narekober ng puwersa ng Batangas PDEU, Batangas Component City Police at PDEA IV-A ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang higit sa P2.04 milyon mula sa 2 suspek.
Ayon kay acting Batangas police director P/Col. Oliver Ebora, hindi sila titigil sa pagtugis sa mga drug personality.
“Nananatiling matatag ang Batangas PPO sa walang humpay na pagprotekta sa bawat Batangueño mula sa masamang epekto ng ilegal na droga,” diin ng opisyal.
Pinuri ni Ebora ang tagumpay na operasyon ng kanyang mga tauhan.

