Ridon1

Ridon: Dapat humarap si VP Sara sa Impeachment Court, hindi nasa ibang bansa

168 Views

HINIMOK ng isang House prosecutor nitong Sabado si Vice President Sara Z. Duterte na personal na humarap sa kanyang impeachment trial sa halip na ipaubaya lamang sa kanyang mga abogado ang pagharap sa mga pagdinig habang siya ay nasa ibang bansa.

Sinabi ni House prosecutor Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na inaasahan ng maraming Pilipino na si Duterte mismo ang sasagot sa mga paratang laban sa kanya sa harap ng Senate impeachment court.

“Ang panawagan naman po talaga ng mga kababayan natin, humarap po talaga siya sa paglilitis. At harapin po talaga ’yung mga usapin. Hindi ho magpunta kung saan man ho siya nagpupunta,” ani Ridon, na siya ring chairman ng House Committee on Public Accounts, sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ayon kay Ridon, tatlong linggo nang hindi dumadalo si Duterte sa mga pagdinig, taliwas sa ginawa ng dating Punong Mahistrado na si Renato Corona, na personal na humarap sa kanyang impeachment trial.

“Kasi mahalaga po talaga na hindi po iwanan ng ating pong Pangalawang Pangulo sa kanyang pong mga abogado ’yung pagharap sa usapin po na ito. We have seen it in the Corona impeachment proceedings, na Chief Justice Corona was there,” aniya.

Sinabi rin ni Ridon na nasa pagpapasya na ni Duterte kung dadalo siya o hindi sa mga pagdinig.

“So, we leave it to her. If that is her way of coping with this particular proceeding, then we will let her be,” aniya.

Nauna nang kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na nasa ibang bansa si Duterte mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31, kung saan nakatakda siyang bumisita sa Qatar, United Kingdom, at Netherlands.

Ayon sa OVP, kabilang sa kanyang biyahe ang mga opisyal na pakikipagpulong sa mga Pilipino sa ibayong dagat at ilang personal na gawain. Nilinaw rin nito na walang ginagamit na pondo ng pamahalaan para sa naturang biyahe. Kinumpirma rin ng Malacañang na pinagkalooban si Duterte ng travel authority.

Nakatakdang ipagpatuloy ng Senado ang impeachment trial sa Hulyo 29, kasunod ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.