Co

Kabataan Party List pinuna estratehiyang “drama” ni VP Sara

Mar Rodriguez Jul 27, 2026
31 Views

BINANATAN ni House prosecution panel spokesperson at Kabataan Party List Rep. Renee Co ang respondent na si Vice President Sara Z. Duterte bunsod ng kaniyang mga “drama at pag-iinarte” na itinuturing ng Lady solon bilang estratehiya sa layuning sadyang maantala at idiskaril ang isinasagawang impeachment trial laban sa kaniya.

Binigyang-diin ni Co na ang kampo ng Bise Presidente ay gumagamit umano ng estratehiyang “drama” upang idiskaril at maantala” ang proseso ng impeachment matapos umanong mabigong maglatag ng direktang kontra-salaysay ang kaniyang defense team sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment.

Ayon kay Co, ilang beses nang nabigyan ng pagkakataon ang depensa upang iharap ang kanilang bersyon ng mga pangyayari at pasubalian ang mga ebidensiyang inilahad ng prosekusyon.

“Ito po kasi ‘yung strategy ng defense at this point. Naka ilang opportunity na para ibigay yung counter-narrative ni VP Sara, mukhang wala,” ani Co.

Natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng kanilang mga ebidensiya para sa Article IV matapos iharap ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang mga saksi upang patunayan ang pagiging tunay ng mga video at ipaliwanag ang isinagawang pagsusuri ng ahensiya sa mga pahayag ni Duterte.

“So ito yung na-identify na nating 3D na strategy nila: drama, derail and delay,” dagdag niya.

Sinabi ng kongresista na ang paulit-ulit na pagtutol at pagtatanong ng depensa sa mga usaping naipaliwanag na ng mga testigo ay kumukonsumo lamang ng oras ng paglilitis nang hindi naman napapabulaanan ang mga naitalang pahayag ng Bise Presidente.

“And nangyayari yung kung paulit-ulit ‘yung pag-raise ng objections kahit walang basis o kaya naman paulit-ulit ‘yung tanong, paikot-ikot na kahit asked and answered na,” paliwanag niya.

Binanggit din ni Co na nakatuon ang depensa sa mga detalye gaya ng mga petsa, mga dokumento, at sa paraan ng paghawak ng NBI sa mga rekord na ginamit sa kanilang imbestigasyon.

Sa kabila nito, iginiit ni Co na matagumpay na nailatag ng prosekusyon ang mga ebidensiya upang maipakita ang kanilang argumento sa ilalim ng Article IV.

“Successful yung paglatag ng ebidensya para masabi natin na nailatag na ‘yung argument sa Article 4,” pahayag pa ni Co.