Dy1

Speaker Dy nananawagan ng mas mahigpit na proteksyon vs fake news

Mar Rodriguez Jul 28, 2026
92 Views

NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ng mas mahigpit na hakbang laban sa mga panganib sa internet at paglaganap ng maling impormasyon o “fake news” kasabay ng pagsasabing isa sa mga pangunahing prayoridad ng Kongreso ang pagprotekta sa mga pamilyang Pilipino sa digital na panahon.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ikalawang Regular na Sesyon ng Ika-20 Kongreso nitong Lunes, binalaan ni Speaker Dy ang publiko tungkol sa lumalaking banta ng mapaminsalang online content at disinformation.

“Ang Ika-20 Kongreso ay nagsulong at nagpasa rin ng mga panukalang batas na may kaugnayan sa paggamit ng teknolohiya at internet upang maprotektahan ang ating kabataan. Lubos na nakakabahala na ang ating kabataan ay nalalantad sa karahasan, kabastusan, at iba pang sensitibong nilalaman na maaaring makasira sa kanilang murang isipan,” ani Speaker Dy.

Idinagdag pa ng House Speaker na maging ang mga nakatatanda ay hindi ligtas sa epekto ng maling impormasyon.

“Sa kasamaang palad, maging tayong mga matatanda ay hindi ligtas sa mga maling impormasyon na nagiging sanhi ng pag-aaway at pagkakawatak-watak,” aniya.

Hinimok din ng Speaker ang publiko na huwag basta magpadala sa mga impormasyong nakikita sa social media.

“Huwag po sana nating hayaan na ang ingay ng social media ang humubog sa ating paniniwala. Pairalin natin ang katotohanan kaysa fake news, pag-unawa kaysa galit, at pagkakaisa kaysa pagkakahati-hati. Ang demokrasya ay nananatiling matibay kapag ang mamamayan ay may sapat na kaalaman at bukas na pag-iisip,” aniya.

Ang panawagan ni Dy ay kasunod ng resulta ng isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 3 na nagpapakitang 85 porsiyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ay gumagamit na ng internet. Sa mga ito, walong sa bawat sampung internet users ang nagsasabing higit sa isang beses silang gumagamit ng internet bawat araw.

Lumabas din sa survey na halos lahat ng internet users ay gumagamit ng social media, habang 72 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang malaking suliranin sa bansa ang pagkalat ng maling impormasyon o disinformation.

Ayon pa sa parehong survey, bagama’t karamihan sa mga Pilipino ay nagsasabing sinusuri nila ang magkakasalungat na impormasyon gamit ang mapagkakatiwalaang sanggunian 41 porsiyento ng internet users ang umaming malaki ang posibilidad na paniwalaan nila ang isang impormasyon dahil lamang sa malawak itong naibahagi online.

Binanggit ni Dy na naaprubahan na ng Kamara ang ilang mahahalagang panukalang batas na tumutugon sa mga panganib sa internet, kabilang ang Digital Media Anti-False Information Act at ang Child Online Safety and Protection Act of 2026.

Itinampok din niya ang House Bill No. 9965 o ang Children’s Social Media Safety Act na siya ring pangunahing may-akda kasama si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos. Layunin ng panukala na ipagbawal sa mga batang 13 taong gulang pababa ang paggamit ng social media at maisama ito sa mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyon sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay Dy, mahalagang maprotektahan ang mga kabataang Pilipino sa online na mundo at mapanatili ang katotohanan sa pampublikong diskurso upang higit na mapatatag ang demokrasya sa bansa.