Tulfo2 Inihain ni Sen. Erwin Tulfo ang Senate Resolution No. 537 na humihiling ng pagsisiyasat sa systems-loss charges sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001. Inihain din niya ang Senate Bill No. 2239 na naglalayong ipawalang-bisa ang Batas Pambansa Blg. 36 o Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340 na mag-aalis ng VAT sa systems-loss charges. JOSEPH MUEGO

Energy tax, VAT sa systems loss gustong maalis ni Tulfo

29 Views

NAGHAIN si Senador Erwin Tulfo ng tatlong panukala para alisin ang energy tax, tanggalin ang value-added tax sa systems-loss charges at siyasatin ang polisiya at paraan ng pagpasa ng mga naturang bayarin sa mga konsumer ng kuryente.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution No. 537 na humihiling ng pagsisiyasat sa systems-loss charges sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 2239 na naglalayong ipawalang-bisa ang Batas Pambansa Blg. 36 o Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340 na mag-aalis ng VAT sa systems-loss charges.

Inihain ni Tulfo ang mga panukala matapos manawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 27 na amyendahan ang EPIRA at bawasan ang pasanin ng mga konsumer mula sa systems-loss charges at kaugnay na buwis.

Ipagpapatuloy ng Senate Committee on Energy sa Hulyo 30 ang pagdinig sa mga panukalang amyenda sa EPIRA at iba pang hakbang na may kaugnayan sa kuryente, ayon kay Tulfo.

“Sa Huwebes po, may hearing po ako, tamang-tama, about the amendments to the EPIRA Law. Isasama na po natin ‘yang systems loss,” ani Tulfo.

Kinuwestiyon niya kung bakit ipinapasa sa mga konsumer ang systems-loss charges.

“Actually sa opening statement ko po last week, sabi ko, ‘Bakit china-charge sa tao ang systems loss? Dapat hindi.’ Saan ka naman nakakitang negosyo, icha-charge sa customer ang kalugian. I think that’s wrong. May gray area ang batas na ito. Kailangan po nating tapalan at ayusin,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na plano ng komite na magsagawa ng ikalawa at ikatlong pagdinig bago iakyat sa plenaryo ang mga panukalang amyenda para sa sponsorship.

“Naka-first hearing na tayo. Second and third hearing then ibababa na po natin ito sa plenary for sponsorship. Siguro naman susuportahan naman tayo ng mga kasamahan natin because that’s what the people are asking,” sinabi niya.

Ayon kay Tulfo, posibleng maaprubahan bago matapos ang taon ang mga panukalang amyenda sa EPIRA.