Wamil1

VP Sara ‘capritchosa’–testigo sa impeachment

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
41 Views

NABUNYAG ang pagiging “capritchosa” ni Vice President Sara Duterte matapos na isiwalat ng testigo sa pagpapatuloy ng Senate impeachment trial na tanging ang Office of the Vice President (OVP) lamang ang may confidential funds.

Pinatotohanan ni State auditor Roderick Wamil, auditing leader sa COA Pasay office, na si VP Duterte lamang ang naging Bise Presidente at dating kalihim ng Department of Education (DepEd) na may confidential funds na kanyang na-audit habang siya ay nakatalaga sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO).

Sinabi ni Wamil sa harap ng Senate Impeachment Court na nagsilbi siya sa ICFAO mula Setyembre 2014 hanggang Pebrero 2024.

Sa panahong iyon, tatlong Bise Presidente umano ang nanungkulan—sina dating Bise Presidente Jejomar Binay, dating Bise Presidente Leni Robredo at kasalukuyang Bise Presidente Sara Duterte pero tanging ang OVP ni Duterte lamang ang nakatanggap ng alokasyon para sa confidential funds.

Ipinaliwanag ni Wamil na wala umanong natanggap na confidential fund appropriation sina Binay at Robredo habang siya ay nakatalaga sa ICFAO.

“Dahil po since nung nag-assume po ako nung 2014 sa ICFAO, wala pong naging appropriation for confidential funds si dating Vice President Binay at si dating Vice President Robredo,” paliwanag ni Wamil.

Sinabi rin ni Wamil na si Duterte lamang ang kalihim ng DepEd na ang confidential funds ay kanyang na-audit.

Kinilala niya ang mga dating kalihim ng edukasyon na sina Armin Luistro, Leonor Briones at Duterte bilang mga pinuno ng ahensya habang siya ay nasa ICFAO.

Ayon kay Wamil, tanging sa panahon ni Duterte bilang kalihim ng DepEd nagkaroon ng confidential fund appropriation ang ahensya.

“Dahil siya lang po ’yung naging DepEd Secretary na nagkaroon ng confidential funds ang DepEd,” pahayag niya.

Sinabi ni Wamil na siya ang nag-audit sa P500 milyong confidential funds na inilabas sa OVP mula ikaapat na quarter ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.

Na-audit din niya ang P112.5 milyong confidential funds na inilabas sa DepEd noong unang tatlong quarter ng 2023.

Ang kanyang testimonya ay bahagi ng paglalahad ng ebidensya ng House prosecution sa ilalim ng Article I ng impeachment complaint, na nagsasabing umano’y nagkaroon ng maling paggamit sa kabuuang P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa OVP at DepEd habang nanunungkulan si Duterte.