Calendar
BHWs maaari nang magkaroon ng plantilla posts
MAAARING magkaroon ng government plantilla positions, kaukulang salary grades at mas malawak na benepisyo ang mga barangay health worker sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa.
Itinatakda ng Senate Bill No. 1905, o panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers, ang pagsama ng mga posisyon ng BHWs sa government plantilla.
Makakatanggap ang mga volunteer BHW ng buwanang benepisyong hindi bababa sa ₱3,000, bukod sa transportation allowance o expense reimbursement, subsistence allowance at hazard allowance.
Nakapaloob din sa panukala ang insurance coverage, libreng legal services, psychosocial support at mental health services.
Layon din nitong magtatag ng continuing competency-based education at training curriculum para sa professional development ng mga barangay health worker.
Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian, co-author at co-sponsor ng panukala, na nagsisilbing frontliners ang mga BHW sa pagtugon sa pangangailangang pangkalusugan ng mga komunidad.
“Ang ating mga barangay health workers ang nagsisilbing frontliners upang tugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng ating mga komunidad. Ipinasa natin ang Magna Carta of Barangay Health Workers bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel, at bilang pagtataguyod sa kanilang kapakanan,” sinabi ni Gatchalian.
