Calendar
Pangilinan: Magsasaka kailangan ng konkretong sistema, serbisyo
ISINAMA ng administrasyong Marcos sa mga prayoridad nitong panukalang batas ang dalawang panukala tungkol sa agricultural extension services at mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda, ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na isinama ng Legislative-Executive Development Advisory Council sa priority list nito ang Senate Bill No. 1991, o ang panukalang Agricultural and Fisheries Extension Services Act, at Senate Bill No. 1990, o ang panukalang Agricultural Cooperatives Act.
“We need to get these bills across the finish line. Hindi sapat na hanggang salita at papel lang ang suportang nakukuha ng ating mga magsasaka at mangingisda. Kailangan nila ng konkretong sistema at serbisyo na talagang umaabot sa kanilang mga sakahan at pangisdaan,” sinabi ni Pangilinan.
Layunin ng SB 1991 na magtatag ng pambansang agricultural and fisheries extension system na magbibigay sa mga magsasaka at mangingisda ng technical assistance, research-based technologies, climate-smart farming practices at tuloy-tuloy na capacity-building.
Layunin naman ng SB 1990 na muling itatag ang Bureau of Agriculture Cooperatives at palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda na bumuo ng mga kooperatiba. Sinabi ni Pangilinan na ang mas matatag na mga kooperatiba ay magkakaroon ng mas maayos na access sa financing, merkado, kagamitan at value-adding opportunities.
Binanggit ni Pangilinan ang mataas na production costs at ang sinabi niyang hirap ng mga magsasaka at mangingisda na makahabol sa mga bagong teknolohiya, pamamaraan at kaalaman bilang mga dahilan sa pagsusulong ng mga panukala.
“Sa ngayon, hindi lamang napakahirap ng pinagdadaanan ng ating mga magsasaka at mangingisda dahil sa taas ng production costs, pero napag-iiwanan din sila ng mga makabagong teknolohiya, bagong pamamaraan, at bagong kaalaman,” sinabi niya.
Iniugnay din ni Pangilinan ang mga panukala sa food security, at sinabi niyang maaaring makatulong ang mas malakas na sektor ng agrikultura at pangingisda sa pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagpapataas ng kakayahang bumili ng mga mamimili.
Kasunod ng pagkakasama ng mga panukala sa LEDAC priority list, sinabi ni Pangilinan na handa siyang makipagtulungan sa Senado, House of Representatives at Executive para sa pagpasa ng mga ito.

