PAGASA Larawan: PAGASA/FB

Habagat muling magdadala ng malalakas na ulan sa malaking bahagi ng bansa

31 Views

PATULOY na magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo.

Sa 5 a.m. weather bulletin ng PAGASA, kabilang sa makararanas ng monsoon rains ang Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.

Dahil sa katamtaman hanggang malakas at paminsan-minsan ay matinding buhos ng ulan, nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.

Samantala, makakaranas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, iba pang bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro at Antique.

Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Negros Island Region, Central Visayas, iba pang bahagi ng Luzon, Western Visayas, Leyte at Southern Leyte dahil pa rin sa habagat.

Sa Batanes, inaasahan din ang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough o buntot ng isang tropical cyclone.

Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms ang mararanasan sa iba pang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Alas-3 ng madaling araw nitong Linggo, ang Typhoon Dolphin ay namataan sa layong 755 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, ayon sa PAGASA.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 130 kilometro kada oras, habang umaabot din sa 130 kph ang bugso ng hangin. Kumikilos ito patungong west-northwestward sa bilis na 15 kph.

Inaasahan ang malalakas hanggang gale-force winds at rough to very rough seas sa Extreme Northern Luzon.

Sa iba pang bahagi ng bansa, makararanas naman ng katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan.