House Bill

NUEVA ECIJA, ISINUSULONG ANG PAGSASABATAS NG APRIL 25 BILANG OPISYAL NA FOUNDING ANNIVERSARY

Steve A. Gosuico Aug 9, 2026
25 Views

House BillSAN JOSE CITY — Isinusulong ni Nueva Ecija 2nd District Rep. Mario “Kokoy” Salvador ang isang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Abril 25 kada taon bilang founding anniversary ng lalawigan.

Layon din ng panukala na ma-deklara ang nasabing petsa na isang special non-working holiday sa buong lalawigan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Novo Ecijano na gunitain at ipagdiwang ang nasabing okasyon.

Sa explanatory note ng House Bill 9678, ipinunto ni Salvador na layon nito na bigyang-pugay ang mayamang kultura ng Nueva Ecija, ang mahalagang kontribusyon nito sa kasaysayan, at ang patuloy na suporta ng lalawigan bilang “Rice Granary of the Philippines” sa seguridad ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Salvador, inihain niya ang panukala katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija (PP-NE) sa pamumuno ni Gov. Aurelio M. Umali upang kilalanin ang opisyal na pagkakatatag ng lalawigan noong Abril 25, 1801.

Nilinaw rin ng kongresista na mananatiling ginugunita ang Setyembre 2 bilang Nueva Ecija Day bilang pag-alala sa Unang Sigaw ng Nueva Ecija noong 1896, at hindi bilang anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.

Batay sa isinagawang historical research ng PP-NE sa pamumuno ni Gov. Umali noong 2013, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), natukoy na ang Abril 25, 1801 ang opisyal na petsa ng pagkakatatag ng Nueva Ecija bilang isang hiwalay na administratibong yunit.