BI

5 dayuhan dinampot ng BI sa paglabag sa batas ukol immigration

Jun I Legaspi Aug 10, 2026
28 Views

LIMANG dayuhan ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Hilagang Luzon noong Hulyo 30 at 31.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina alyas Sahil, 23; alyas Doss, 29, parehong Indian.

Naaresto rin si alyas Huang, 39; at South Korean nationals na sina alyas Jin, 51; at alyas Oh, 49.

Naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Nueva Ecija, Bulacan, Zambales, at Pampanga ang lima.

Si alyas Sahil ay naaresto sa Cabanatuan City, Nueva Ecija dahil sa matagal ng lampas sa itinakdang panahon ng pananatili sa bansa.

Ayon sa mga residente, siya rin umano ay sangkot sa ilegal na “5-6” na pagpapautang.

Si alyas Doss ay nahuli sa Balagtas, Bulacan na nabigong magpakita ng pasaporte o anumang dokumento sa imigrasyon. Kumpirmado rin sa talaan ng BI na siya ay overstaying.

Sa Subic, Zambales, naaresto si alays Huang matapos matukoy na siya ay nanatili sa bansa ng lagpas sa itinakdang panahon.

Sa Angeles City, Pampanga naaresto ang dalawang South Korean nationals na namamahala ng restoran nang walang kaukulang visa at work permit.

Dinala ang mga naarestong dayuhan sa tanggapan ng BI sa Maynila para sa booking, dokumentasyon, at pagsisimula ng proseso ng deportasyon, ayon kay Viado.