Ghost

House prosecution ginhost ng defense–Escudero

Mar Rodriguez Aug 11, 2026
31 Views

MALAYO pa ang “Todos-los-Santos pero ngayon pa lamang ay mistulang minulto” na umano ang House prosecution panel, ayon kay Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Inilarawan ni Escudero na tila “na-ghost” (namulto) ng defense team ni Vice President Sara Z. Duterte ang House prosecution team matapos hindi ito tumugon sa paulit-ulit na pagtatangkang ayusin ang paghahambing sa 4,492 acknowledgment receipts na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds.

Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, ilang ulit na nakipag-ugnayan ang prosecution sa kampo ni Duterte upang maisagawa ang paghahambing ng mga dokumento noong Huwebes o Biyernes ng nakaraang linggo, alinsunod sa direktiba ng Impeachment Court.

“Na-Indian po kami,” sabi ni Kapunan sa impeachment court.

Ngunit may ibang paglalarawan ang Senate Impeachment Court Presiding Officer.

“Hindi ka, Attorney Lorna, in-Indian, baka ghost ka. Kasi hindi ka sinagot eh,” ayon kay Escudero.

“In-ignore,” tugon naman ni Kapunan.

“Ghost na nga eh. Ghosting na bago ngayon,” sagot naman ni Escudero.

Ang 4,492 resibo ay susuriin sana ng magkabilang panig at layunin ng paghahambing na malaman kung nagtutugma ang mga acknowledgment receipts na hawak ng prosecution at defense.

Maaari rin itong magbigay-daan upang magkasundo ang dalawang panig hinggil sa mga dokumento at maiwasan ang mahabang pagsusuri ng libu-libong rekord habang nagbibigay ng testimonya si Commission on Audit (COA) auditor Xylene Mae del Campo.

Bahagi ang 4,492 resibo ng mga dokumentong sinusuri ng prosecution upang matukoy kung paano na-liquidate at na-account ang P612.5 milyong confidential funds na inilabas sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon ni Duterte.

Sa kabuuan, kabilang dito ang 2,668 acknowledgment receipts mula sa OVP at 1,824 mula sa DepEd.

Ayon sa prosecution, hindi agad sumagot ang defense.

Unang nagpadala ng mensahe ang prosecution noong Miyerkules upang tanungin kung maaari silang magkita kinabukasan o Biyernes para sa paghahambing ng mga dokumento.

Ngunit walang naging tugon.

“On Thursday, we waited the whole day. Kailan tayo mag-meet? Thursday na ngayon. Friday na bukas. Our witness will be on board on Monday. Wala pa rin sagot, Your Honor, the whole day of Thursday,” ani Kapunan.

Ayon pa sa kanya, alas-5:38 ng hapon lamang noong Huwebes tumugon ang defense at iminungkahing gawin ang paghahambing sa Agosto 14.

Kinuwestiyon ito ni Kapunan dahil nakatakda nang ipagpatuloy noong Agosto 10 ang pagdinig at testimonya ni Del Campo.

Iginiit din ng private prosecutor na hindi naging maayos ang naging pakikitungo ng defense sa usapin dahil malinaw umano ang naunang direktiba ng korte na Huwebes o Biyernes dapat gawin ang paghahambing.

Samantala, sinabi ni Duterte defense counsel Kristine Ferrer na hindi kinakailangang paghambingin agad ang mga dokumento para lamang mapabilis ang paglilitis.

Ayon kay Ferrer, maaaring talakayin ang mga usapin tungkol sa pagiging tunay o authenticity ng mga dokumento kapag pormal nang inihaharap ng prosecution ang mga ebidensya.