Tulfo

Senado inaprubahan revised PCG Law

28 Views

NAGKAKAISANG inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2116, o ang panukalang Revised Philippine Coast Guard Law, na pangunahing inakda at isinponsoran ni Senador Raffy Tulfo.

Layunin ng panukala na linawin ang mga mandato ng Philippine Coast Guard sa maritime safety, maritime security at environmental protection, gayundin ang istruktura at mga probisyon para sa mga tauhan nito.

Sinabi ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na itinatakda ng panukala ang pagtatatag ng core functional commands, support commands, technical services at operating districts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Binigyan natin ang PCG ng matibay na legal authority at administrative independence upang walang pag-aalinlangan nilang mapangalagaan ang ating maritime jurisdiction,” sinabi ni Tulfo.

Saklaw din ng panukala ang ranggo, career structure, sahod at pay grades ng mga tauhan ng Coast Guard.

Ayon kay Tulfo, layunin nitong iayon ang mga ito sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

“Sa pamamagitan ng hakbang na ito, tinitiyak natin na ang kanilang mga ranggo, ang kanilang career structure, at ang kanilang mga sahod at pay grades ay patas, karapat-dapat, at nakasabay sa ating Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police,” sinabi niya.

Nagpasalamat din si Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado sa pagsuporta sa panukala.

“Dahil kung handa silang magbuwis ng buhay para sa bandila, dapat lamang na suklian sila ng estado ng sapat na proteksyon, tamang suweldo, at buong pagkilala,” dagdag niya.