Calendar
Modus ng tiwaling airport taxi na bumibiktima ng OFWs ikinadismaya ng OFW PL
IKINADISMAYA ni dating OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang “modus” ng ilang tiwaling airport taxis na nambibiktima ng mga balikbayang Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga dayuhang turista na bumibisita sa Pilipinas.
Ang pinaghuhugutan ng pahayag ng dating Party List lady solon ay kaugnay sa napaulat na pambibiktima ng isang airport taxi sa pasahero nitong dayuhan matapos itong singilin ng drayber ng P2,000 o nag-overcharge na matagal ng ginagawa ng mga airport taxi scammer sa mga dayuhan.
Binigyang-diin ni Magsino na maging ang mga umuuwing OFWs mula sa pinagmulan nilang bansa ay hindi rin pinaliligtas ng kanilang sariling kababayan kung saan ay sinisingil sila ng napakamahal na pamasahe sa kabila ng normal charge lamang ang dapat singilin sa kanila.
Ipinaliwanag ni Magsino na marahil ay inaakala ng mga tiwaling airport taxi na mapera ang mga balikbayang OFWs kung kaya’t pinagsasamantalahan nila ang mga ito.
“Ang nakakalungkot sa kuwentong ito, pati ang mga kababayan nating OFWs ay hindi pinaliligtas ng mga airport taxis na ito. Kasi ang akala nila porke’t OFW at galing ng abroad, ang akala agad nila eh’ mayaman at mapera. Ang hindi nila alam ang perang kinikita ng ating mga OFWs ay galing sa kanilang dugo’t pawis. Wala silang awa, kaya talagang nakakadismaya ang ginagawang ito ng mga airport taxi na iyan,” ani Magsino.
Nilinaw pa ni Magsino na ang perang kinikita ng mga OFWs sa pagta-trabaho nila sa ibang bansa na malayo sa kanilang pamilya ay hindi mistulang bunga na pinipitas lamang umano sa puno. Sapagkat ang bawat sentimo na kinikita ng mga ito ay galing sa kanilang dugo’t pawis kasama na ang kanilang malaking sakripisyo.
Nauna rito, nag-viral sa social media ang tila overcharging at pang-iiscam ng isang airport taxi sa pasahero nitong dayuhan na agad namang hinuli ng mga kagawad ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay LTO Usec. Markus V. Lacanilao, hindi na bago ang overcharging cases na kinasasangkutan ng mga airport taxi kung kaya’t aktibo ang LTO sa panghuhuli sa mga ito kasama na ang mga nasa likod ng nasabing modus.
