Barbers1

Barbers: Mga resibo ng confidential funds ng OVP, parang “grocery list” na

Mar Rodriguez Aug 12, 2026
32 Views

BINIGYANG-DIIN ni House prosecution panel spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na parang “grocery list” lang ang resibo ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).

Sinabi ni Barbers na lalo pang naging kahina-hinala ang ilang acknowledgment receipt na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) para sa liquidation ng confidential funds nito dahil sa mga kakaibang pangalan na nakalista rito.

Ayon kay Barbers, ang dating iilang pangalan lamang na nakapukaw ng atensyon ay tila naging isang “grocery shopping list” na ngayon dahil sa mga panibagong pangalang lumitaw sa mga dokumento.

“Sa ganitong takbo, maaaring mapagkamalan ang mga resibo na listahan ng mga paninda sa supermarket sa halip na mga dokumento para sa liquidation ng gobyerno,” ani Barbers.

Sa pagdinig ng Senate Impeachment Court, sinabi ni Commission on Audit (COA) Supervising Auditor Xylene Mae Del Campo na may hindi bababa sa 23 karagdagang pangalan na lumitaw sa acknowledgment receipts na may kaugnayan sa confidential fund expenditures ng OVP noong 2023.

Kabilang sa mga pangalang ipinakita sa pagdinig sina Matthew Keso, Jay Kamote, Miggy Mango, Ralph Josh Bacon, Pia Piattos-Lim, Renan Piatos, Beverly Claire Pampano, Connor Adrian Contis, Honeylet Camille Sy at Xiaome Ocho bukod pa sa iba.

Nagbiro si Barbers na tila nagiging listahan na ito ng mga sangkap para sa pagkain.

Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi layunin ng prosecution na kutyain ang mga taong maaaring tunay na nagtataglay ng kakaiba o hindi pangkaraniwang pangalan.

“Walang masama sa pagkakaroon ng makukulay at natatanging pangalan ng mga Pilipino. Ang isyu ay lumilitaw ang mga pangalang ito sa mga resibong may kaugnayan sa milyun-milyong pisong confidential funds,” paliwanag niya.

Ipinaliwanag naman ni Del Campo na hindi tinukoy ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) kung tunay na umiiral ang mga taong nakapangalan sa mga resibo o kung may kaugnayan sila sa mga personalidad na may kaparehong pangalan.

Ayon sa auditor, ang isinagawa ng COA ay compliance audit upang alamin kung ang liquidation documents ay sumusunod sa Joint Circular at kung kumpleto at sapat ang mga supporting documents.

Para kay Barbers, hindi dapat matabunan ng mga kakaibang pangalan ang mas seryosong resulta ng audit.