Calendar
Panukalang batas sa pagpapalakas ng cybersecurity pasado na sa Kamara
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang cybersecurity at protektahan ang mga kritikal na sistema at mahahalagang serbisyo laban sa mga cyberattack.
Sa botong 198 pabor, 3 tutol at 1 abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill No. 9605 o National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026 na kabilang sa mga priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, mahalaga ang panukala dahil habang mas umaasa ang mga Pilipino sa digital systems, mas lumalaki rin ang panganib ng **fraud, identity theft, data breach, ransomware at iba pang cyberattack** na maaaring makaapekto sa mahahalagang serbisyo.
Isa sa mahahalagang probisyon ng HB 9605 ang pagtatatag ng National Cybersecurity Agency (NCSA) sa ilalim ng Office of the President na magsisilbing ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa pagbuo ng polisiya, pagpaplano, koordinasyon at pagpapatupad ng mga programa para sa cybersecurity ng bansa.
Magtatakda rin ito ng minimum cybersecurity standards, magsasagawa ng audit sa critical information infrastructure, mangunguna sa pagtugon sa cyber incidents at magpapalakas sa pagbabahagi ng threat intelligence.
“Ang cybersecurity ay hindi lamang usapin ng teknolohiya. Usapin ito ng seguridad, serbisyo, at kapakanan ng bawat Pilipino. Kailangang may malinaw na pamantayan, may nakatutok na ahensiya, at may kakayahang tumugon agad kapag may banta,” pahayag ng Speaker.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga operator ng critical information infrastructure na magsagawa ng regular na risk assessment at tuloy-tuloy na monitoring ng kanilang mga sistema.
Inaatasan din ang mga national government agency, government-owned and controlled corporations (GOCCs) at local government units (LGUs) na magpatupad ng minimum cybersecurity measures at magtalaga o lumikha ng Chief Information Security Officer (CISO).
Palalakasin din ng HB 9605 ang national incident-response capability sa pamamagitan ng National Computer Emergency Response Team at National Security Operations Center.
Layunin nitong mapabilis ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, law enforcement agencies, intelligence agencies, critical infrastructure operators at iba pang stakeholder kapag may naganap na cyberattack o iba pang digital threat.
Binigyang-diin ni Dy na bagama’t teknikal ang usapin ng cybersecurity, simple ang pangunahing layunin nito—ang protektahan ang impormasyon at mga serbisyong inaasahan ng mga Pilipino.
Ayon kay Dy, hindi lamang kasalukuyang problema ang tinutugunan ng Bagong Kongreso kundi maging ang mga banta na maaaring harapin ng bansa sa hinaharap.

