Calendar
Larawan: PAGASA/FB
Habagat patuloy na magpapa-ulan sa Luzon, Western Visayas
Hindi pa rin bibitaw ang habagat sa Luzon at Western Visayas ngayong Linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nagbabala rin sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang lugar.
Makakaranas ng makulimlim na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Ilocos Sur, Cordillera, Batanes, Cagayan, Zambales, Bataan, Nueva Ecija, Tarlac at Occidental Mindoro. Posible ang flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na buhos ng ulan.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas. Gayundin ang Mindanao, kung saan inaasahan ang mga isolated rain showers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Mananatili namang malakas hanggang katamtaman ang hangin sa Extreme Northern Luzon at kanlurang bahagi ng Luzon, na may katamtaman hanggang maalon na karagatan. Sa ibang bahagi ng bansa, bahagyang mahina hanggang katamtaman ang hangin at bahagyang maalon ang dagat.

