Drugs

P470 shabu nasamsam, 2 HVI at 10 iba pa naaresto ng Ecija pulis

Steve A. Gosuico Aug 16, 2026
136 Views

Drugs1Drugs2Drugs3CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City – Nalambat ng Nueva Ecija police ang dalawa umanong high-value individual (HVI) at sampung iba pa na nagresulta sa pagkasamsam ng nasa P470,100 halaga ng shabu, kabilang ang dalawang loose firearms sa pinaigting na operasyon sa lalawigan nitong Sabado, ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall.

Sa ulat, ang dalawang HVI umano ay natimbog sa isang buy-bust operation sa Bgy Singalat, Palayan City.

Kinilala ang mga naarestong suspek na isang lalaki, 45, taga-Bgy. San Antonio, Roxas, Isabela, at isang 37-taong-gulang na babae ng New Bicutan City, Taguig. Nakumpiska mula sa kanila ang kabuuang 51 gramo ng shabu, katumbas ng P346,000.

Sa iba pang operasyon kontra droga, nahuli din ng mga operatiba ng Cabanatuan City, San Jose City, Laur, at San Isidro police ang apat na suspects na nagresulta ng pagkasamsam ng shabu na may timbang na 11.25 gramo katumbas ng halagang P76,500.

Samantala, nalaglag sa hiwalay na search operation sa Gapan City at Peñaranda, nahuli ng awtoridad ang dalawang lalaki at nakuhanan sila ng pitong gramo ng shabu katumbas ng P47,600, dalawang kalibre 38 baril, 10 bala, isang magazine ng kalibre .45, at walong bala ng nasabing kalibre.

Sa kabuuan, aabot ang nakumpiskang shabu sa halagang P470,100.

Dagdag rito, may naarestong apat na wanted person sa manhunt operations na isinagawa sa Cabanatuan City (1), Quezon (1), at San Leonardo (1) at ng Second Provincial Mobile Force Company dahil sa mga kasong reckless imprudence resulting in physical injury, slight physical injuries, at reckless imprudence resulting in damage to property at estafa.

“Ang mga nagawang ito ay nagpapakita ng aming matibay na pangako sa pagpapanatiling ligtas at segurado ng Nueva Ecija. Ang aming pinaigting na operasyon laban sa ilegal na droga, baril, mga wanted person, at iba pang kriminal na aktibidad ay magpapatuloy nang may mas mataas na determinasyon,” pahayag ni Claravall.