Adiong

Adiong: Ang pag-atake kay Macacua ay pag-atake sa prosesong pangkapayapaan ng Bangsamoro

157 Views

Pic3Pic2ANG marahas na insidente na kinasangkutan ng konboy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ay isang pag-atake hindi lamang sa kanyang buhay kundi sa mismong prosesong pangkapayapaan ng Bangsamoro, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong noong Linggo.

Mariing kinondena ni Adiong ang insidente at nanawagan para sa agarang pagkakakilanlan at pag-uusig sa mga may pananagutan, habang naghahanda ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa kauna-unahang regular na halalang parlyamentaryo nito.

“Mariin naming kinokondena ang lantarang pagtatangka sa buhay ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua. Hinihingi namin ang katarungan sa pamamagitan ng isang mabilis, masusing, at kumpletong imbestigasyon sa nakapangingilabot na krimeng ito,” sabi ni Adiong.

“Ang mga may pananagutan ay dapat matukoy, mahuli, at madala sa hustisya nang walang antala. Ang mamamayang Bangsamoro ay nararapat sa buong katotohanan at hindi matitinag na pananagutan,” dagdag pa niya.

Nagbabala si Adiong na ang insidente ay may mas malawak na epekto sa rehiyon, lalo na’t napakalapit na ng makasaysayang halalang ito.

“Ang pag-atakeng ito ay pumapatama hindi lamang sa buhay ng Chief Minister kundi sa mismong pundasyon ng prosesong pangkapayapaan ng Bangsamoro,” sabi ni Adiong.

“Lalong nakababahala na ang karahsang ito ay nangyari habang naghahanda ang mamamayang Bangsamoro na gamitin ang kanilang demokratikong kagustuhan,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat pahintulutan ang karahasan at pananakot na sumira sa mga nakamit ng prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro.

“Hindi natin maipahihintulot at hindi natin hahayaang ang karahasan, pananakot, o takot ay sumira sa kung ano ang pinagsumikapan at pinagsumakripisyuhan ng maraming henerasyon,” sabi ni Adiong.

Nanawagan siya sa lahat ng panig na lutasin ang mga hinaing nang mapayapa at sa loob ng mga demokratikong institusyon.

“Kaya nanawagan kami sa lahat ng partido na lutasin ang bawat hinaing sa pamamagitan ng diyalogo, mga demokratikong institusyon, at ang pamamayani ng batas—hindi sa pamamagitan ng dulo ng baril,” sabi ni Adiong.

“Nawa’y maging mabilis at kumpleto ang katarungan. At huwag nating hayaang may makahadlang sa makasaysayang paglalakbay ng mamamayang Bangsamoro tungo sa pangmatagalang kapayapaan at tunay na sariling pamamahala.”