Calendar
Gatchalian nanawagan ng agarang pagkumpuni sa 6,681 silid-aralang nasira ng bagyo, habagat
NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) at mga local government unit na agad kumpunihin o palitan ang 6,681 silid-aralan na nasira dahil sa pinagsamang epekto ng dalawang bagyo at pinalakas na habagat.
Ayon sa DepEd, umabot sa 6,681 ang mga nasirang silid-aralan hanggang Agosto 14. Iniulat din ng ahensya na may kakulangan na 147,000 silid-aralan noong Hulyo ng nakaraang taon.
Sinabi ni Gatchalian na maaaring lumaki pa ang kakulangan sa mga silid-aralan kung hindi makukumpuni o mapapalitan ang mga nasirang pasilidad.
“Tuwing bumabangon tayo mula sa mga kalamidad, kailangang agarang kumpunihin o palitan ang mga nasirang silid-aralan upang ‘wag malagay sa panganib ang mga mag-aaral dahil lamang sa mga pasilidad na hindi agad naaayos,” sabi niya.
May P67.9 bilyong nakalaan sa 2026 national budget para sa basic education facilities, kabilang ang pagpapalit ng mga gusali ng paaralan.
Inanunsyo rin ng DepEd ang P34.355 milyon para sa cleanup at clearing operations sa 1,195 apektadong paaralan at P201.586 milyon para sa minor repairs ng 4,114 silid-aralan.

