Calendar
Sariling lupa makakamit ng 1.4K na tao sa Naga City
MAHIGIT 1,400 residente ng Naga City ang magkakaroon na ng sariling lupa dahil sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinangungunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Sa seremonya sa Brgy. Pacol noong Jesse Robredo Day, ipinagkaloob ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang loan assistance sa Mabolo Village HOA Phases 1 & 2 at Saint Joseph HOA.
Kinatawan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling si Assistant Secretary Johnson Domingo.
Kasama ni Naga City Mayor Leni Robredo at SHFC President/CEO Federico Laxa sa pagkilala sa tatlong komunidad na mas malapit ng makamit ang legal na pagmamay-ari ng lupang kanilang tinitirhan.
Sa pinakahuling batch, 420 pamilya ang nadagdag bilang benepisyaryo at mahigit 800 pamilya sa Naga City ang nakinabang sa ECMP.
Noong Hunyo, dalawang ECMP communities pa ang tinulungan ng SHFC sa lungsod.
Ayon kay Secretary Aliling, ang patuloy na pagpapatupad ng ECMP ay patunay ng malasakit ng administrasyon na gawing mas accessible at responsive ang tulong pabahay ng pamahalaan.
“Sa ilalim ng Expanded 4PH, hindi lamang bahay ang ating ipinagkakaloob,” ani Secretary Aliling.
Ayon kay Mayor Robredo, ang Community Mortgage Program (CMP) ay life‑changing dahil hindi na kailangang lumikas ang mga pamilya mula sa kanilang komunidad.
“Ang best ang CMP kasi onsite. Hindi na sila mamomroblemang ilipat sila,” wika niya.
Si Rowena Bañas (Mabolo Village Phase 1) at Marissa Ramirez (Mabolo Village Phase 2) ay nagsabing “answered prayer” ang pagkakaroon ng sariling lupa.
Si Nilo Villaflor (Saint Joseph HOA Inc.) ay nagpasalamat dahil dumating ang tulong sa oras na kinakaharap nila ang banta ng eviction.
Muling binuhay noong 2025 sa ilalim ng Expanded 4PH, ang ECMP ay pinalakas na bersyon ng 38‑taong Community Mortgage Program upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga low‑income communities.
Hanggang Agosto, 47 ECMP projects na ang naaprubahan na makikinabang ang higit 8,000 pamilya sa iba’t-ibang panig ng bansa.

