ICRM

Mas likas-kayang kaunlaran ng mga baybayi sa Oriental Mindoro patuloy na pinalalakas

Helen D. Prado Aug 26, 2026
13 Views

ICRM1Lungsod ng Calapan — Higit pang pinalalakas ang mga hakbang tungo sa mas likas-kayang kaunlaran ng mga baybayin at sektor ng pangisdaan sa lalawigan.

Kaugnay nito, nagpatuloy ang ikatlo at huling serye ng Integrated Coastal Resource Management (ICRM) Planning Workshop sa mga bayan at lungsod sa Oriental Mindoro.

Nagsimula ang tatlong araw na pagsasanay sa pagbabalangkas ng Integrated Coastal Resource Management Plan (ICRMP) para sa mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Naujan, at Lungsod ng Calapan.

Magsisilbing gabay ng Pamahalaang Nasyunal at Pamahalaang Lokal ang ICRMP sa pagbuo ng mga polisiya tungo sa higit pang pagpapaunlad at pangangalaga ng mga baybayin sa lalawigan at sa mga likas na yamang matatagpuan dito.

Gayundin, mas mapalalakas ang mas likas-kayang kabuhayan sa sektor ng pangisdaan para sa mga komunidad na umaasa sa yamang dagat bilang kanilang pangunahing pinagkakakitaan.

Inisyatiba ang nasabing gawain ng Conservation International Philippines, sa ilalim ng Transformative Actions for Climate and Ecological Protection and Development (TRANSCEND) Project.

Katuwang dito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sa pamamagitan ng Provincial Agriculturist’s Office (PAgO) na pinamumunuan ni Provincial Agriculturist Christine Pine.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa municipal LGUs ng mga nasabing bayan at lungsod, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang opisina ng pamahalaang panlalawigan at national government agencies.