DPWH

Teves kinuwestiyon DPWH kaugnay sa kaugnay sa kakulangan ng school buildings sa Region 3, 4 at 5

Mar Rodriguez Aug 26, 2026
21 Views

KINUWESTIYON ni TGP Party List Rep. Jose “Bong” J. Teves Jr. ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa kakulangan sa pagpapatayo ng mga school buildings sa region 3, 4 at 5 bilang implementing agency matapos itong sumalang sa isinasagawang budget budget deliberations sa Kamara de Representantes.

Sinabi ni Teves na bagama’t ang konstruksiyon ng mga bagong gusali sa mga pampublikong paraalan ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Education (DepEd). Gayunman, ikinatuwiran nito na ang nasabing proyekto ay nasa ilalim naman ng superbisyon ng DPWH bilang implementing agency hanggang sa ito ay makumpleto.

Partikular na kinuwestiyon ng kongresista kung magkano ang inilaang pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong school building para sa taong 2025 at 2026 partikular na para sa Region 3, 4 at 5.

“Mr. Chair, I have only a few question to the good Secretary with regards to the school buildings. Alam ko po na hindi niyo ito budget dahil originally ito ay budget ng Department of Education at ang DPHW lamang ang implementing agency. However, may I ask how much is the budget intended for the construction of school buildings under the year 2025 and 2026,” ang pahayag ni Teves sa budget hearing ng DPWH.

Gayunman, sa nasabing budget hearing. Inilatag ni Teves ang nakalap niyang datos bilang batayan nito (July 15, 2026) kung saan ang budget ng DepEd sa ilalim ng basic education facilities fund na inilaan naman sa DPHW bilang implementing agency. Ang Region 3 ay nilaanan ng P595 milyong halaga ng mga ipinatayong classroom o class room allocation.

Sinabi ni Teves na sa ilalim ng nabanggit na alokasyon. Ito ay dapat makagawa ng 261 classroom. Subalit tanging 76 lamang umano ang naipagawang classrooms.

Ipinabatid pa ng mambabatas na sa Region 4-A. Ang dapat na magagawang classroom ay 297 na nagkakahalaga ng P523 milyon ngunit ang nagawa lamang aniya ay 48. Habang sa Region 5, ito ay nilaanan ng P578 milyon para sa 280 classrooms subalit ang naipagawa lamang ay 49.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Teves si DPHW Secretary Vivencio “Vince” B. Dizon kung bakit lagi umanong naatraso ang pagpapagawa ng mga classrom sa mga nabanggit na rehiyon.

Bilang sagot, ipinaliwanag ni Dizon na noong 2025 na nagsasagawa na sila ng tinatawag na “catch up plan” para punan ang kakulangan ng mga classroom sa mga naturang rehiyon.

“Tama po yung mga datos. Mr. Chairman yun pong 2025, pero mayroon na po tayong isinasagawang catch up plan at dumadami na po tayo ngayong 2026. Kampante po ang DPWH na yung lahat po ng 5,000 classrooms na naka-budget out of the P13 billion basic education fund for 2025 ay magagawa po by the end of 2026 or bago po mag-expire yung pondo ng 2025,” ang tugon ni Sec. Dizon.

Aminado naman si Dizon na matagal naantala ang pagpapagawa ng mga school building na binabanggit ni Teves kaya sisikapin umano nilang tugunan ang isyu bago matapos ang taon.