Calendar
Speaker Dy nakipagkita, nakipag-selfie sa mga estudyante
NAKIPAGKITA si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa 120 senior high school students mula sa Quezon City na lumahok sa 2026 NxtGen Congress ng Kamara de Representantes.
Bahagi ang programa ng “Bagong Kongreso” na layong ilapit ang Kamara sa mamamayan at mabigyan ng mas malaking pagkakataon ang mga kabataan na maunawaan ang pamamahala at paggawa ng batas.
Kasama ni Speaker Dy si House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil ng bisitahin ang mga estudyante sa Makalintal Hall noong Huwebes bilang bahagi ng tatlong araw na “NxtGen Congress: Youth Voices, Nation’s Choices” Capacity Building Seminar-Workshop na isinagawa mula Agosto 25 hanggang 27.
Sinalubong ng mga estudyante ang House Speaker na nakipagkuwentuhan, nakipag-selfie at nagpakuha rin ng mga larawan kasama ang mga kalahok.
Pinasalamatan ni Speaker Dy ang mga kabataan sa kanilang pakikibahagi.
“Natutuwa rin kami because interesado kayo makita kung papaano ang Kongreso. Makakaasa kayo ang Kongreso ngayon, talagang kami po ay pinagsisikapan na maging mas mabuti ang aming paglilingkod sa ating mga kabataan,” pahayag ni Speaker Dy.
Ibinahagi rin ng House Speaker sa mga kabataan ang kanyang naging paglalakbay sa serbisyo publiko, na nagsimula noong siya ay 18 taong gulang pa lamang.
Noong 1980, naging miyembro si Dy ng Kabataang Barangay. Makalipas ang anim na taon, naging barangay captain siya.
Nagsilbi siya bilang provincial board member, vice mayor, mayor sa loob ng siyam na taon, congressman sa loob din ng siyam na taon, governor sa loob ng siyam na taon, at vice governor
ng anim na taon, bago tuluyang naging Speaker ng Kamara.
Sa mahigit apat na dekada niyang karanasan sa serbisyo publiko, halos lahat ng antas ng lokal at pambansang pamahalaan ay kanyang napaglingkuran.
Kinatawan ng 120 kalahok ang 12 paaralan sa ilalim ng Schools Division Office of Quezon City.
Kabilang dito ang Lucrecia Kasilag Senior High School, Quezon City Science High School, Bagong Silangan High School, Commonwealth High School, Juan Sumulong High School, Quirino High School, Eugenio Lopez Jr. Center for Media and Arts, Manuel A. Roxas High School, Lagro High School, San Bartolome High School, Emilio Jacinto National High School at Ismael Mathay Sr. High School.
Sa pamamagitan ng serye ng mga module at workshop, itinuro sa mga estudyante ang mga tungkulin at responsibilidad ng House of Representatives, gayundin ang proseso kung paano nagiging batas ang isang panukalang batas.
Binigyan din sila ng aktuwal na kaalaman hinggil sa proseso ng paggawa ng batas sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa committee deliberations, policy analysis, parliamentary procedure, legislative ethics at decorum, at public speaking sa parliamentary proceedings.
Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy, patuloy na binubuksan ng Kamara ang mga pintuan nito at isinasagawa ang mga programang naglalayong ilapit ang Kongreso sa mga mamamayan.
Sa pamamagitan ng NxtGen Congress, layunin ng Kamara na maagang maipakilala sa mga kabataan ang proseso ng paggawa ng batas at mahikayat silang maging mas aktibong bahagi ng paghubog sa kinabukasan ng bansa.

