DMW

2 PH seafarers na natsugi, pamilya may agarang tulong mula sa DMW

Jun I Legaspi Sep 3, 2026
41 Views

NAKIRAMAY ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagkamatay ng dalawang Pilipinong seafarers habang sakay ng Saudi-operated oil tanker SIDR sa Strait of Hormuz noong Agosto 31.

Iniatas ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa lahat ng kaukulang tanggapan ng DMW na magbigay ng tulong sa mga apektadong tripulanteng Pilipino at kanilang pamilya.

Nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office (MWO) sa Oman upang matiyak ang mabilis na repatriation ng mga Pilipinong tripulante.

Nakikipag-ugnayan din ang DMW sa mga kaukulang partido upang maisagawa ang maayos na paghawak at repatriation ng labi ng dalawang nasawing marino.

Tinitiyak ng DMW na matatanggap ng mga pamilya ng mga nasawi ang agarang tulong, benepisyo, kompensasyon, insurance proceeds, at iba pang karapatan alinsunod sa kanilang kontrata sa trabaho at sa umiiral na batas pang maritime ng Pilipinas at pandaigdig.

Kumpirmado ng Bahri na ang barkong SIDR ay nasangkot sa insidente bandang alas-11:40 ng gabi noong Agosto 31 at dalawang Pilipinong tripulante ang nasawi.

Mino-monitor ng DMW ang kalagayan ng natitirang mga Pilipinong tripulante at nakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng pamahalaan at kaukulang awtoridad sa rehiyon upang matiyak ang kanilang ligtas at agarang pagbabalik sa Pilipinas.

Tiniyak ni Secretary Cacdac sa mga pamilya ng mga apektadong marino na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng rekurso upang matulungan sila.