Pic

CAYTON NANAWAGAN NG MAS LIGTAS NA PAARALAN, DAGDAG GUIDANCE COUNSELORS

Mar Rodriguez Sep 10, 2026
20 Views

IGINIGIIT ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang pangangailangan para sa mas ligtas na mga paaralan, dagdag na guidance personnel at mas malaking suporta sa sektor ng edukasyon sa isinagawang budget briefing ng Department of Education (DepEd).

Aktibong nakilahok si Congressman Cayton sa talakayan at inilahad ang mga usaping direktang nakaaapekto sa kapakanan at kaligtasan ng mga mag-aaral, kabilang ang patuloy na problema ng bullying sa mga paaralan.

Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na guidance at counseling personnel upang mabigyan ng agarang suporta ang mga estudyanteng nakararanas ng bullying, emotional difficulties at iba pang hamon sa kanilang pag-aaral.

Isa sa mga positibong resulta ng talakayan ang nakatakdang paglalaan ng 37 School Counseling Associate positions para sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Cayton, malaking hakbang ito upang mapalakas ang guidance at counseling services sa mga paaralan at matiyak na mas maraming mag-aaral ang may mapupuntahang kwalipikadong personnel para sa kanilang mga pangangailangan.

Bukod dito, suportado rin ni Cayton ang mga programa at panukalang budget ng DepEd na nakatuon sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon.

Patuloy rin umanong isinusulong ni Cayton ang pagkakaroon ng mas maraming silid-aralan, karagdagang school facilities at mas malaking alokasyon para sa Nueva Vizcaya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan sa lalawigan.

Ayon pa sa kongresista, mahalagang magkaroon ang mga mag-aaral ng ligtas, maayos at sapat na learning environment upang mas maging epektibo ang kanilang pag-aaral.

Layunin ng mga inisyatiba na matiyak na hindi lamang kalidad ng edukasyon ang napapabuti kundi pati ang kaligtasan, mental at emosyonal na kapakanan at pangkalahatang suporta para sa mga mag-aaral.

Patuloy namang nangako ang tanggapan ni Cayton na susuportahan ang mga programang naglalayong magkaroon ng mas kalidad, ligtas at inklusibong edukasyon para sa bawat batang Pilipino.