Calendar
Alonto Adiong: Panawagan ni VP Sara kay PBBM na umalis sa pwesto may conflict of interest
DIREKTANG makikinabang si Vice President Sara Z. Duterte sa sarili niyang panawagan na umalis sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil siya ang nakatakdang maging konstitusyonal na kahalili nito, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution team, nitong Biyernes.
“Ang taong humihingi na umalis ang Presidente, siya po ang magbe-benefit,” ani Alonto Adiong sa isang press briefing sa House of Representatives.
Sinabi niya na ang panawagan ni Duterte ay nagdudulot ng tila conflict of interest dahil siya ang hahalili sa pagkapangulo sakaling lisanin ng Pangulo ang kanyang puwesto.
“May conflict of interest na kita natin dito,” aniya.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na ang mga hindi pagkakasundo sa pulitika kay Pangulong Marcos ay dapat lutasin sa pamamagitan ng mga prosesong naaayon sa Konstitusyon at batas, sa halip na basta na lamang hilingin sa Pangulo na magbitiw sa puwesto.
Noong Biyernes, mas pinaigting ni Duterte ang kanyang mga batikos laban sa Punong Ehekutibo. Sa isang talumpati sa kanyang mga tagasuporta, inilarawan niya ang Pangulo bilang isang sinungaling at mapang-abuso, bukod sa iba pa niyang mga batikos. Patuloy itong nagpapalala sa hidwaan sa pulitika sa pagitan ng dating magkaalyadong tumakbo noong 2022.
Kasabay nito, nahaharap ang Bise Presidente sa impeachment trial sa Senado dahil sa mga alegasyong maling paggamit niya ng confidential funds, pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman, pagtanggap ng suhol, at pagbabanta sa Pangulo at sa kanyang pamilya. Itinanggi ni Duterte ang anumang maling gawain.

