Sotto

Sotto: Maituturing pa bang youth reps mga aabot ng 29,30 anyos?

27 Views

BINUSISI ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III kung maituturing pa ring “youth representatives” ang mga Sangguniang Kabataan official na maaaring umabot sa 29 o 30 anyos habang nasa puwesto kung magiging limang taon ang kanilang termino.

Iminungkahi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na gawing 15 hanggang 19 ang edad para sa SK at alisin ang fiscal autonomy nito.

“My recommendation, sir, is to bring it back to 15 to 19 years old so that they would still be staying in the community,” sagot ni Remulla kay Sotto.

Ayon kay Remulla, pagsapit ng edad 28 o 29, maaaring may asawa at pamilya na o nagtatrabaho na ang ilang SK official.

“So I don’t think they are representative anymore of their constituents,” aniya.

Sa ilalim ng umiiral na batas, kailangang 18 hanggang 24 anyos ang isang SK official sa araw ng halalan. Maaari niyang tapusin ang termino kahit lumampas siya sa edad 24 habang nakaupo.

Nakatakda rin sa kasalukuyang batas ang apat na taong termino ng barangay at SK officials at ang susunod na regular na barangay at SK elections sa Nobyembre 2026.

Isang araw bago ang budget hearing, inaprubahan naman ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang gawing limang taon ang termino ng barangay at SK officials.

Iminungkahi rin ni Remulla na alisin ang fiscal autonomy ng SK at ibalik sa barangay council ang kontrol sa paggastos ng SK funds.

“I think that the fiscal responsibility of the SK is not fully formed yet,” aniya.

Binanggit ni Remulla ang dalawang naunang kaso sa Makati bilang mga halimbawa sa kanyang panawagang baguhin ang sistema.

Sa Dasmariñas Village, sinabi ng DILG na isang catering supplier ang nag-akusa sa SK chairperson ng paghingi umano ng kickback kaugnay ng isang proyekto. Nauna nang itinanggi ng SK chairperson ang wrongdoing at kinuwestiyon ang ebidensiya laban sa kanya.