Calendar
Transparent school bag policy sa San Antonio, NE pinagtibay
SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Pinagtibay noong Lunes ng Sangguniang Bayan dito ang resolusyon para sa “transparent school bag policy” sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.
Layon ng resolusyon na makatulong na mas mapangalagaan at mapaigting ang seguridad at kaligtasan sa mga paaralan.
Sa SB Resolusyon Blg. 2026-123, binigyang-diin ni Presiding Officer at Vice Mayor Arvin Salonga ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagbabantay at pagpapahusay ng mga hakbang laban sa mga banta ng karahasan sa loob ng paaralan.
Ang rekomendasyon na paggamit ng transparent school bags ay isang safety measure upang maiwasan ang insidente ng karahasan katulad ng pamamaril sa Ateneo De Zamboanga at Banga National High School sa South Cotabato.
Tugma ito sa ipinunto ng Department of Education Schools Division Office at Nueva Ecija University of Science and Technology para sa mga mag-aaral na gumamit ng mga transparent na bag pang-eskwela upang makatulong sa pagbabantay at pagtuklas ng mga bawal na bagay na dinadala sa loob ng paaralan.
Nilinaw din sa SB resolusyon na hindi ito ordinansa kundi rekomendasyon lamang bilang suporta upang lalong mapanatili ang isang mas ligtas na kapaligiran sa paaralan para sa mga mag-aaral, guro at pamayanan.
Kinatigan ang nasabing resolusyon ng walang isa mang pagtutol.

