Epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo patuloy iniibsan ng gobyerno

Jun I Legaspi Sep 22, 2026
96 Views

TINIYAK ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na patuloy ang pamahalaan sa paghahanap ng paraan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo na nakakaapekto sa operasyon ng mga PUV at bus operators, commuters at drivers.

Nauna ng iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang pangangailangan ng mga transport workers at komyuter sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike.

“Sa ating mga bus operators at drivers, una po, kami po, ako po ay personal na humihingi ng inyong pasensya, paumanhin at konsiderasyon,” ayon kay Secretary Lopez.

Tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga inisyatibo ng DOTr gaya ng fuel discount at libreng toll sa mga expressway para mapagaan ang biyahe ng mga bus operator at driver.

Pinaliwanag din ni Secretary Lopez na patuloy ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagdinig ng mga petisyon sa taas pasahe.

“Pagdating po sa ating fare hike po, ito po ‘yung sinasabi ko parati na at this point in time po, pinipiga pa rin natin ang gobyerno kung anong pwede nating ibigay na inisyatibo, subsidiya.

Tulad po ng fuel discount natin, alam po namin ‘yan na from P10 naging P12 at limitado po ang transport modes na makikinabang dyan, ‘yung jeepney at tsaka mga UV Express. Iniisip namin kung paano ‘to pahahabain pa at isama ‘yung iba’t ibang transport modes,” pahayag ng Kalihim.

Dahil sa mataas na inflation na nagreresulta din sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, ani Secretary Lopez, kailangan balansehin at i-konsidera ang lahat sa ano mang desisyong gagawin.

“The inflation itself is quite high. Ang August inflation natin is 6.1, ‘pag nagtaas po tayo ng pamasahe ay sigurado pong makakadagdag din ‘yan sa ating inflation,” pahayag ng kalihim.