Calendar
AirAsia Philippines naghatid ng init sa panahon ng tag-ulan sa pamamagitan ng beef sinigang
SA pagdating ng tag-ulan sa buong bansa, muling nagdadala ng init at damdaming maka-Pilipino ang AirAsia Philippines sa himpapawid sa pamamagitan ng bagong Santan inflight menu para sa Q3 2025 — tampok dito ang paboritong ulam tuwing maulan, ang beef sinigang.
Karaniwang hinahain sa mga tahanan kapag malamig ang panahon, ang beef sinigang ay gawa sa malambot na baka na niluto sa maasim-asim at malinamnam na sabaw na may tamarind, kalakip ng mga sariwang gulay. Ngayon, puwede na itong matikman sa kaitaasan ng 30,000 talampakan.
“Ang mga araw ng tag-ulan ay nagbibigay ng kakaibang karanasan sa paglalakbay. Isa itong pagkakataon na makapagbigay ng karagdagang ginhawa sa aming mga panauhin sa pamamagitan ng simpleng pagkain. Patuloy ang pagbabago ng aming inflight menu upang ito’y maging mas inklusibo, at sa bawat mainit na pagkain tulad ng Beef Sinigang, mas pinapalapit namin ang pakiramdam ng pagiging ‘nasa bahay,’” pahayag ni Capt. Suresh Bangah, CEO at Pangulo ng AirAsia Philippines.
Para naman sa mga may hilig sa matatamis, inilahad din ng AirAsia ang dalawang bagong inumin sa kanilang Q3 menu — ang Buko Pandan Milk at Buko Pandan Latte. Ang milk version ay isang creamy at refreshing na inumin mula sa batang buko at mabangong pandan, habang ang latte variant ay may banayad na timpla ng kape sa kilalang Pinoy na lasa. Parehong mabibili sa halagang P170.
Bilang airline na nag-uugnay ng mga komunidad at kultura sa buong rehiyon, patuloy ang AirAsia sa inobasyon ng kanilang Santan inflight meals kada quarter. Lahat ng pagkain sa Q3 menu ay Halal-certified, bilang pagsunod sa pangangailangan ng iba’t ibang panlasa at paniniwala ng kanilang mga pasahero.

