Bro. Marianito Agustin

Ang totoong pananampalataya ay hindi puro salita kundi mas maraming gawa (MATEO 7:21-23)

752 Views

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit. Kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit”. (Mateo 7:21)

NAPAKADALING sabihin ng isang tao na mayroon siyang pananampalataya sa Diyos. Bakit? Sapagkat ito ay binubulalas lamang ng kaniyang bibig at hindi naman talaga bumubukal sa kaniyang puso o hindi nakikita sa kaniyang gawa.

“Diyan ninyo makikita na ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kaniyang mga gawa at hindi dahil sa kaniyang pananampalataya lamang,” (Santiago 2:24)

Marami ang nagsasabi na sila ay mananampalaya, deboto, relihiyoso at relihiyosa subalit magkakatalo na lamang kung ang kanilang pananampalataya ay naipapakita ba talaga nila sa kanilang mga gawa. Sa madaling salita hindi lang puro sila “dada”.

Kung ang sasabihin ng isang tao na mayroon siyang malalim na pananampalataya sa Diyos, na halos malunod na siya dahil sa sobrang lalim. Hindi ka pa rin makakapasok sa langit. Kulang parin iyan dahil kailangang kumpletos rekados.

Bakit? Kasi mayroon ka ngang nakakalunod na pananampalataya na sobrang lalim. Pero hindi mo naman ito naisasabuhay. Olats ka parin. “No Entry” ka parin sa langit.

Ganito ang tema ng ating Mabuting Balita (Mateo 7:21-23) nang ipangaral sa Sulat ni San Mateo na hindi lahat ng tumatawag ng Panginoon, Panginoon ay makakapasok sa kaharian ng langit kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng Diyos Ama.

Parang ipinapahiwatig ng Ebanghelyo na hindi lahat ng naglilingkod sa Simbahan (kasama na ako duon) ay sigurado ng makakapasok na sa kaharian ng Panginoon. Hindi magsisilbing “RFID” sa langit ang pagiging lingkod ng Simbahan.

AKO ANG HUHUSGA: (ala FPJ)

Susuriin o huhusgahan tayo ng Panginoon hindi dahil sa tayo ay nagsisilbi sa Simbahan, isang mananampalataya o deboto. Paano na lamang ang mga hindi naglilingkod sa Simbahan? Hindi pala sila makakapasok sa kaharian ng Diyos? Ganoon Ba?

Hahatulan tayo ng Diyos hindi dahil sa dami ng ating mga dasal, sa haba ng oras na pamamalagi o pagsisilbi natin sa Simbahan o sa haba ng oras ng ating pagro-Rosaryo. Kundi ang ating mga ginawa lalo na ang pagkalinga sa mga kapos-palad.

Matutunghayan natin sa Pagbasa na sa huling Araw ay marami ang magsasabi kay Lord na sila ay nangaral, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga kababalaghan sa pangalan ng Diyos (Mateo 7:22) pero hindi parin sila pinapasok ng Panginoon sa langit? Bagkos, tinawag pa silang mga mapaggawa ng masama. (Mateo 7:23)

Batid kong pamilyar kayo sa kuwento ng Ang Mabuting Samaritano (Lucas 10:25-37) tungkol sa isang mabuting samaritano matapos madaanan ang isang tao na nahulog sa kamay ng mga tulisan at walang awang binugbog at tangayin ang lahat ng kaniyang pag-aari.

Nauna rito, habang nakahandusay ang lalaki nagkataong dumadaan duon ang isang saserdote o paring Judio subalit sa halip na siya ay tulungan pagkakita sa kaniya. Ito ay lumihis at nagpatuloy sa kaniyang lakad.

Dumaan din ang isang Levita o eksperto sa batas ng Diyos. Ngunit tiningnan lang ang biktima at nagpatuloy din sa kaniyang lakad. Mistulang wala silang paki-alam sa kalagayan ng lalaking nabiktima ng “holdup”. Sa loob-loob nila: “bakit ko tutulungan iyan?”.

WALK YOUR TALK:

Naturuingan ang dalawang tauhan sa kuwento na alagad ng Diyos (saserdote at Levita) subalit hindi parin nila totoong naisabuhay at napanindigan ang kanilang “katayuan”. Pakitang tao lamang ang kanilang pagiging saserdote at Levita.

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo na kung talagang tayo ay “genuine” na lingkod ng Diyos o isang mananampalataya. Kinakailangan natin itong patunayan sa ating mga kilos at hindi lamang puro tayo salita.

“Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako. “Ipkaita mo sa akin kung paano magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa at ipakikita naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng gawa. (Santiago 2:17-18)

WALANG EXEMPTION SA HEAVEN:

Tandaan natin na walang exempted sa langit. Hindi natin maaaring ikatuwiran na naglilingkod naman ako sa Simbahan kaya absuwelto na ako sa aking mga kasalanan o kaya ay relihiyoso naman ako. Ang laman ng ating puso parin ang tinitingnan at sinusuri ng Diyos. Hindi kung ano ang katayuan natin sa Simbahan o ang pagiging relihiyos natin. Paano naman kung gumagawa parin tayo ng mga kasalanan sa kabila ng lahat ng ito? Ano sa palagay niyo?

AMEN