Calendar
Armas, explosives, kagamitan nakumpiska matapos ang shooting, holdup sa Bulacan
CAMP OLIVAS, LUNGSOD NG SAN FERNANDO, PAMPANGA — Nakakumpiska ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng mga armas, eksplosibo, at mga kagamitan ilang oras lamang matapos ang isang insidente ng pamamaril at panghoholdap sa Bgy. Liciada, Bustos, Bulacan noong Sabado, kasunod ng mabilis at intelligence-driven na operasyon na umabot pa hanggang Metro Manila.
Naganap ang insidente bandang 3 p.m. nang makarinig ng sunod-sunod na putok ang mga nagpapatrulyang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na agad na rumesponde.
Pagdating nila, natagpuan nila ang isang lalaking biktima na nakahandusay sa lupa at may tama ng bala sa binti.
Ayon sa paunang ulat, sapilitang hinoldap at binaril ng mga hindi nakilalang suspek ang biktima bago tumakas sakay ng kulay-abong sedan patungong Pandi, Bulacan.
Natanggap ng Bustos police ang ulat at agad na nagsagawa ng imbestigasyon, kabilang ang pagsisimula ng tracking at koordinasyon.
Makalipas lamang ang halos 12 oras mula sa insidente, nagsagawa ng joint operation ang Bustos police, Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan police, at ang Regional Intelligence Division, sa pakikipag-ugnayan sa Malabon City police, na nagdala sa kanila sa Bgy. Panghulo, Malabon City.
Ilang indibidwal na pinaniniwalaang may kaugnayan sa insidente sa Bustos ang nahuli.
Nakumpiska sa operasyon ang limang baril ng iba’t ibang kalibre; isang Uzi 9mm machine pistol; isang M16 rifle; isang Benelli upper receiver; isang granada; iba’t ibang bala at magasin; ilang cellphone; at isang bulletproof vest na may markang “NBI.”
Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad kung ang mga naaresto ay bahagi ng mas malaking grupong kriminal o gun-running network na nag-ooperate sa Bulacan at Metro Manila.
Pinuri naman ni PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang mahusay na koordinasyon at maagap na aksyon ng mga operatiba.
“Ang mabilis na pagkumpiska ng mga baril na ito ay nagpapakita ng pagiging epektibo ng aming intelligence-driven operations sa ilalim ng PNP Focused Agenda ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio I. Nartatez Jr. Napigilan nito ang posibleng paggamit ng mga armas sa iba pang kriminal na aktibidad,” ani Penones.

