Calendar
Asistio magsasampa ng kaso laban sa mag-asawang Discaya
BINIGYANG diin ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio na magsasampa siya ng kaso laban sa mag-asawang Sarah at Pacifico “Curlee” Discaya dahil sa mga di-umano’y kasinungalingan na pinagsasasabi ng mga ito laban sa kaniya sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang multi-milyon pisong flood control projects.
Idinawit ng mag-asawang Discaya si Asistio sa isinagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee patungkol sa flood control project kung saan ipinahayag ni Curlee na tumanggap ang kongresista ng malaking halaga ng pera kapalit ng isang ghost project sa kaniyang Distrito.
Dahil dito, mariing itinanggi ni Asistio ang alegasyon ng mag-asawang Discaya na siya ay tumanggap umano ng malaking halaga ng pera kasunod ng kaniyang pagbibigay diin na walang “ghost project” sa kaniyang nasasakupang Distrito.
Sinabi ni Asistio na batas sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nagkaroon aniya ng proyekto ang mga Discaya sa kaniyang Distrito. Subalit sa execution ng mga proyekto, bukod tanging ang DPWH lamang ang nangangasiwa pagdating sa assesment at awarding ng proyekto sa mga kontratista na naaayon sa public bidding.
Gayunman, iginigiit ng kongresista na papanagutin nito ang mag-asawang Discaya dahil sa kanilang mapanira at malisyosong paratang laban sa kaniya. Kasabay ng pahayag nito na: “magkita tayo sa korte”.

