Magsino

Paglalagay ng MWO sa Cambodia pinapurihan ni Magsino

Mar Rodriguez Sep 9, 2025
120 Views

Magsino1Magsino2Magsino3PINAPURIHAN at pinasalamatan ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong atasan ang Department of Migrant Workers (DMW) na magtatag ng Migrant Workers Office (MWO) sa Cambodia.

Sa kaniyang state visit sa nasabing bansa, sinabi ng Pangulong Marcos, Jr. na hindi maglalaon ay magkakaroon ng MWO sa Cambodia kasunod ng kaniyang pakikipag-pulong sa mahigit limampung (50) miyembro ng Filipino community sa Phnom Penh.

Dahil dito, ipinaabot ni Magsino ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos, Jr. dahil sa patuloy na pagsisikap ng kaniyang administrasyon na matulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba’t-ibang bansa at tiyakin na sila ay magiging ligtas sa kanilang pinagta-trabahuhang bansa at nasa maayos na kalagayan.

Sinabi ni Magsino na malaki ang maitutulong ng bagong MWO sa Cambodia sapagkat direktang makikinabang dito ang tinatayang nasa 10,000 Filipinos na naninirahan at nagta-trabaho sa naturang bansa. Kasama sa mga benepisyong maibibigay ng MWO para sa mga OFWs ay ang pagkakaloob ng legal assistance, welfare assistance, reintegration programs at skills training.

Ipinahayag pa ng lider ng OFW Party List Group na napapanahon din ang paglalagay ng MWO sa gitna ng lumolobong concern at pagkabahala ng mga OFWs sa Cambodia bunsod ng laganap na scam hubs na bumibiktima ng napakaraming Pilipino.

Ayon kay Magsino, makakatulong din ang MWO para matugunan a ma-address ng Philippine Embassy sa Cambodia ang mga problemang kinakaharap ng mga OFWs.

Ikinababahala ni Magsino na napakaraming OFWs sa Cambodia ang nabibiktima ng scam hubs kung saan mas lalo pa itong lumala ngayon taon na umabot na sa 24 Pilipino ang naging biktima.

Samantala, dumalo si Magsino kamakailan sa Mid-Year Membership General Assembly at Mass Oath Taking at Pinning Ceremonies ng Real Estate Salesperson bilang Chairlady ng Board of Advisers.