Calendar
Ayuda sa ’27 budget, evacuation center allocations kinuwestiyon ni Lacson
KINUWESTIYON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang P3.06 bilyong panukalang alokasyon para sa mga evacuation center na hinati sa 17 tig-P180 milyon ng walang nakasaad na partikular na lugar kung saan itatayo ang mga pasilidad.
Nakita ng kanyang staff ang mga alokasyon habang sinusuri ang panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP), ang panukalang paggasta ng ehekutibo na isinusumite sa Kongreso para sa deliberasyon sa badyet.
“Napansin namin, hati-hati sa 17 regions, binigyan ng tig-P180 milyon para sa evacuation centers. Wala namang naka-specify. Saan ba sa Region 1, 2 o 3 tatayuin ’yan?” tanong ni Lacson.
Tinanong din ni Lacson kung may ginawang pag-aaral upang matukoy ang pangangailangan ng bawat lugar sa evacuation centers bago itinakda ang mga panukalang halaga.
Sinusuri ng kanyang staff ang mga panukalang alokasyon para sa tulong panlipunan o “ayuda” at inihahambing ang mga ito sa pondong nakalaan para sa pangmatagalang pagpapaunlad.
“Sa 2027 budget, parang saganang sagana sa ayuda. Sabi ko sa staff tingnan n’yo mabuti baka ayuda budget na ito. Ang ayuda walang masama diyan pero dapat tingnan ang long term ang development side ng paggamit ng budget,” ani Lacson.
Walang masama sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan ngunit dapat ding isaalang-alang ng pamahalaan ang pangmatagalang pagpapaunlad sa paglalaan ng pampublikong pondo, diin ng senador.
Nabanggit din niya ang posibilidad na magkaroon ng aspektong pampolitika ang ilang item sa badyet habang papalapit ang 2028 national elections.
Inatasan niya ang kanyang staff na ipagpatuloy ang masusing pagsusuri sa panukalang badyet, partikular sa mga pondong nakalaan para sa ayuda at mga programang pangkaunlaran.
