Calendar
Larawan mula sa PNA
Habang bumabaha, Lacson kinuwestiyon P1.939T flood-control spending
KINUWESTIYON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang naging resulta ng P1.939 trilyong ginastos para sa flood management ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025, habang nagpapatuloy ang pagbaha sa Metro Manila.
Binanggit ni Lacson ang taunang pondo ng DPWH para sa flood management sa ilalim ng mga administrasyong Aquino, Duterte at Marcos.
Batay sa mga halagang inilatag niya, P11.323 bilyon ang pondo noong 2011, P10.816 bilyon noong 2012, P15.817 bilyon noong 2013, P30.001 bilyon noong 2014 at P47.849 bilyon noong 2015.
Umakyat ito sa P67.740 bilyon noong 2016, P81.223 bilyon noong 2017 at P139.001 bilyon noong 2018, ang unang taon sa mga halagang binanggit niya na lumampas sa P100 bilyon ang taunang pondo.
Umaabot sa humigit-kumulang P1.939 trilyon kapag ni-round off ang kabuuan ng mga halagang binanggit ni Lacson.
Nanawagan siya para sa pangmatagalang pagpaplano sa flood control at kinuwestiyon kung ang mga proyekto ng pamahalaan ay ipinatutupad sa ilalim ng isang pangkalahatang flood-management program.
Plano niyang itanong sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee kung paano gagastusin ang panukalang P107.4 bilyon para sa flood-control projects sa 2027 budget at kung bahagi ang mga ito ng isang pangkalahatang programa.

