Lacson Sen. Panfilo “Ping” Lacson

NTA formula sa maliliit na LGUs nais repasuhin ni Lacson

170 Views

NAIS ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na repasuhin ang formula sa pamamahagi ng National Tax Allotment (NTA) sa mga lokal na pamahalaan dahil mas maliit ang natatanggap ng maliliit na mga local government unit (LGU) kumpara sa malalaki at mayayamang lungsod.

Dapat pag-aralan ng pamahalaan kung paano magiging mas patas ang pamamahagi ng national revenues sa mga LGU, ayon sa senador.

“Kung sinong mayaman at malalaking siyudad, ang laki ng NTA na nakukuha. For example ang nanguna Davao City and Quezon City, pumapalo sa P10 billion. Sa maliit na munisipyo pagkaliit-liit, halos hindi nila maramdaman ang share nila sa NTA,” ani Lacson.

“Ang problema, inequitability ng distribution, ng share ng LGU sa ating national revenues. Dapat siguro gawing equitable nang kaunti,” dagdag niya.

Ang NTA, na dating tinatawag na Internal Revenue Allotment, ang bahagi ng mga lokal na pamahalaan mula sa national tax collections.

Sa sistema ng pamamahagi na binanggit sa pahayag ni Lacson, 40 porsiyento ng national tax collections ang awtomatikong inilalaan sa mga LGU.

Para sa mga probinsya, lungsod at munisipalidad, 50 porsiyento ng alokasyon ay nakabatay sa populasyon, 25 porsiyento sa lawak ng lupain at 25 porsiyento sa pantay na paghahati.

Sa mga barangay, 60 porsiyento ay nakabatay sa populasyon at 40 porsiyento sa pantay na paghahati, na may minimum allocation.

Dapat suriin ang formula upang malaman kung maaaring madagdagan ang bahagi ng maliliit na LGU. “Ibahagi natin sa maliit para may pagasa sila umasenso,” aniya.

Hinimok din niya ang administrasyon at mga policymaker na suriin ang agwat sa alokasyon ng mayayaman at maliliit na LGU.